INILIPAT na sa pangangalaga ng Philippine Army Custodial Center sa Fort Bonifacio, Taguig City si Retired Major General Jovito Palparan.
Makakasama ni Palparan ang kapwa mga akusado na sina Col. Felipe Anotado at S/Sgt. Edgardo Osorio.
Una rito, makaraan payagan ng Malolos RTC, agad sinundo ng mga naka-full battle gear na mga sundalo si Palparan mula sa Bulacan Provincial jail.
Armado ng mahahaba at de kalibreng baril, sakay ng dalawang pick up trucks, agad ibiniyahe ng mga sundalo mula sa Army’s special Regiment si Palparan upang dalhin sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Kasama rin sa convoy ang mga personahe ng Bulacan PNP na tumulong sa pagtitiyak ng kaligtasan ng retiradong heneral.
Magugunitang hiniling ng kampo ni Palparan kay Judge Teodora Gonzales sa pre-trial ng kanyang kasong kidnapping at illegal detention, na ilipat siya sa pangangalaga ng army custodial center dahil sa isyu ng seguridad.
Sa kabila ng pagkontra ng prosekusyon dahil mistulang VIP treatment ito ay pumayag ang korte dahil kulang sa pondo ang provincial jail upang pangalagaan si Palparan.
Si Palparan ay inaakusahang dumukot sa mga estudyante ng University of the Philippines (UP) na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan noong 2006, na itinanggi ng dating heneral.
(DAISY MEDINA)