HETO na naman po tayo… lifestyle check sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP). Uso na naman ang pataranta epek sa mga pulis na mga corrupt. Pero mga opisyal lang ba ang da-pat isailalim sa pag-iimbestiga? Mali yata, ang dapat ay lahat ng pulis – mula PO1 hanggang kay PNP Chief, Director General Alan LM Lurisima.
Palasyo ang nagpalabas ng direktiba na isailalim sa lifestyle check ang mga pulis. Marahil bunga ito ng mga nabukong kabalastugan ng maraming pulis kabilang na rito iyong EDSA hulidap-kidnapping na kinasasangkutan ng halos lahat ng pulis ng Quezon City Police District La Loma Police Station 1.
Maganda ang kautusan pero, hanggang kailan naman ang lifestyle check na ito? Kung may mabubukong hindi maipaliwanag ang yaman, e kakasuhan naman kaya? Teka, baka naman mga pulis din ang mag-iimbestiga? Hindi naman siguro dahil kung pulis rin lang naman ang gagawa nito. Aba’y kalimutan na ang direktiba ng Palasyo.
Nasabi natin ito dahil mali ang kalakaran ng PNP sa pamamagitan ng IAS na sila-sila rin ang nagsasagawa ng imbestigasyon laban sa mga kasamahan nilang inirereklamo ng sibilyan.
Siyempre, kapag kapwa pulis ang mag-iimbestiga, ano pa ang asahan natin dito? Wala! Oo lutong-Macau ang mangyayari o madalas na nangyayari.
Kaya ang bunga, sila-sila rin ang nag-iimbestiga, dumarami ang mga bugok na pulis. Patunay ang mga nabukong kalokohan nitong mga nagdaang linggo. Hindi lang iyong EDSA huli-kidnap case kundi maging ang pag-kidnap ng dalawang pulis-Malolos (Bulacan) sa isang Chinese national, sa Caloocan City.
Nang salakayin pa nga sa Bulacan ang hideout ng dalawang pulis, maraming narekober na mga carnap na motorsiklo.
Anyway, balik tayo sa lifestyle check. Puwes dapat nang unahin siguro na isailalim ng Ombudsman sa lifestyle check ang mga pulis na nasangkot sa EDSA huli-kidnap case. Bakit?
Kapansin-pansin kung anong klaseng mga sasakyan ang gamit nila sa “operasyon.” Naggagandahang sasakyan. Bago pa yata ang ilan dahil walang plaka at sa halip ay conduction sticker lang. Isama na rin ang dalawang Malolos police maging ang kanilang hepe sa kanilang unit kahit na hindi sangkot sa kalokohan ng dalawa. Oo para magkaalaman kung hindi nga alam ng kanilang hepe ang kanilang kalokohan.
Kaya kung talagang seryoso ang Palasyo sa direktiba nila, hindi na mahihirapan ang operation lifestyle check. Unahin na ang lahat ng pulis sa Metro Manila. Bisitahin ang mga estasyon ng pulisya maging ang district offices. Makikita rito ang mga naggagandahang sasakyan ng mga pulis. PO1 pa lamang ay mamahaling SUV na ang kotse.
Ang monthly amortization ng mga bagong SUV ngayon ay P25,000 hanggang P30,000. Dito pa lamang ay kaduda-duda na ang nakararaming pulis na may inutang na mamahaling SUV. Saan nila kukunin ang para sa buwanang bayarin? Saan pa nga ba kundi sa paggamit ng kanilang tsapa.
Sa Kampo Karingal, maraming pulis ang may bagong SUV at mga mamahaling imported na big bike (motorsiklo) na nagkakahalaga ng P500,000. Saan nila kinuha ang ipinambili nito. May mga cash kung bumili ‘yung iba utang o hulugan.
Hindi lang sa Kampo Karingal laging may car showcase kundi lahat ng kampo ng pulis sa Metro Manila maging sa Kampo Crame.
Kaya kung talagang seseryosohin ni PNoy ang kautusan niyang lifestyle check, maraming masisibak na pulis.
Sige nga Pangulo, ipakita mong seryoso ka.
Anong say mo, Chief PNP?
Almar Danguilan