MATINDING hinagupit ng bagyong Luis ang Isabela at Cagayan sa pag-landfall nito Linggo ng hapon.
Sinabi ni Isabela Governor Faustino Dy, maraming lugar sa kanilang lalawigan ang walang koryente dahil sa mga bumagsak na poste.
Linggo ng gabi pa aniya huminto ang pag-ulan at hangin sa kanilang lalawigan ngunit hanggang Lunes ng umaga, nananatiling walang koryente sa 60% ng hilagang bahagi ng Isabela dahil sa nagbagsakang mga poste ng koryente.
Kabilang sa mga apektadong bayan ang San Pablo, Cabagan, Santo Tomas, Santa Maria at bahagi ng Tumauini. Habang hindi gaanong naapektuhan ang gitna at timog na bahagi ng probinsya.
3 PATAY, 7 LIBO TAO LUMIKAS
ITINURING ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na namatay dahil sa epekto ng bagyong Luis ang tatlong pasahero ng MV Maharlika II na lumubog sa karagatan ng Southern Leyte.
Bukod sa tatlong namatay, may tatlong nasugatan habang nasa 128 ang nailigtas.
Habang nakaligtas ang 15 crew ng MV Supershutter ferry makaraan tumaob dahil sa hampas ng malalakas na alon sa Manila Bay.
Samantala, nasa 1,723 pamilya o katumbas ng 7,801individual ang nagsilikas at ngayon ay nasa loob 36 evacuation centers sa Regions 1, 2, 3, 4-A, CAR at NCR.
LUIS NAKALABAS NA SA PAR
NASA labas na ng PH Area of Responsibility (PAR) ang Typhoon Luis at tumuLak na pa-China.
Ayon kay PAGASA weather forecaster Aldczar Aurelio, tuluyan nang nakatawid ng PAR line ang sentro ng bagyo dakong 11 a.m. kahapon.
Nauna rito, sinabi ni Aurelio, bagama’t papalayo na ng bansa ang bagyo, patuloy na maaapektohan nang hinihila nitong Habagat ang ilang lugar sa bansa.
Bago lumabas ng PAR, may babala pa ng bagyo ang PAGASA sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Abra at Pangasinan dahilan para maging posible pa rin ang pagguho ng lupa at pagbaha.
May yellow rainfall warning pang inisyu sa Zambales at Batanes Lunes ng umaga. Ito ay dahil sa hinihilang Habagat o southwest monsoon.