GRABE ang ginawang pagbubulgar ni dating Makati City vice mayor Ernesto Mercado laban kay VP Jojo Binay.
Nakatanggap daw kasi si VP Binay na dating alkalde ng Makati ng 13 porsiyento sa lahat ng pagawain sa lungsod.Sa sinasabing parking building phase 1 ay tumanggap daw si Mang Jojo ng P52 milyon at iyan ay ayon sa pahayag ni Mercado.
Kung hindi mag-aanalisa ang nakikinig, nakapanood at nagbabasa ng balita tungkol dito ay talagang maniniwala kay Mercado gayong malinaw na naglalabas lamang ng sama ng loob sa mga Binay dahil tinalo siya ni Mayor Junjun Binay noong 2010 election.
Malinaw na sour graping ang ginagawa ni Mercado at mas malinaw na ang paninira kay VP Jojo ay isang pakana lamang ng mga taong gusto siyang masulot sa Malakanyang dahil malinaw sa mga nakalipas na survey na halos 40 porsiyento ng mga Pilipino ang pabor sa lideratong Binay bilang susunod na pangulo ng bansa.
Malinaw din na ang ginagawang pagdurog nina Senador Alan Cayetano at Antonio Trillanes ay may halong politika dahil parehas na nagdeklara ang dalawa ng interes sa pagkapangulo ng Pilipinas.
Hindi rin maikakaila na may motibo rin ang dating vice mayor ng Makati na gibain ang buong pamilya Binay dahil gusto raw uli niyang bumalik sa politika sa lungsod.
Sa maikling paliwanag, personal na interes ang nananaig kina Mercado, Trillanes at Cayetano sa paggiba nila kay Binay at iyan ang dapat pag-aralan at tignang mabuti ng mamamayan.
Marami pang pagsalaula sa pangalan at integridad ng Binay ang tiyak na darating kaya’t dapat tayong maging maingat sa pagsusuri at paniniwala dahil ang lahat ng ito ay may bahid-politika.
Ang pagsasampa sa korte ang solusyon sa isyung ibinabato kay VP Binay at iyan ang dapat gawin nina Cayetano, Trillanes at Mercado pero hindi nila ginagawa dahil ginagamit nila ang Senado sa pamomolitika para tuloy-tuloy na pag-usapan ng bayan.
Alvin Feliciano