TATLO ang kompirmadong namatay habang 144 ang nailigtas sa lumubog na RoRo vessel, ang M/V Maharlika II sa Southern Leyte kamakalawa ng gabi.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nagpapatuloy ang search and rescue operation upang mabatid kung mayroon pang mga pasahero sa lumubog na RORO vessel.
Sinabi ni Philippine Coast Guard spokesperson Armand Balilo, may tatlong iniulat na namatay sa paglubog ng MV Maharlika II habang tatlo ang nawawala.
Inihayag din ni Balilo, sa manifesto ng nasabing barko,nasa 58 lamang ang pasahero ngunit mahigit sa 100 ang nasagip.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PCG at sa kanilang nakuhang impormasyon, hindi overloaded ang nasabing RORO vessel ngunit mayroon lamang discrepancy sa bilang ng mga pasahero na nakalagay sa manifesto at sa aktwal na bilang ng mga nakasakay sa barko.
Tiniyak ng Coast Guard na kanilang iimbestigahan ang may-ari ng barko kung bakit nagkaroon ng discrepancy.
“Ang sabi ng crew, ang mga driver at pahinante ng trak na sakay ng RORO ay hindi nalagay sa manifesto. Ang pagkaalam ko kahit driver at pahinante dapat nasa manifest ka,” wika ni Balilo.
Sinabi ni Balilo, ang nasabing barko ay mayroong 403 capacity, ngunit 58 pasahero lamang ang nakasulat sa manifesto at mayroong 26 crew.
Ngunit ayon kay Central Command spokesperson Lt. Cmdr. Jim Alagao, prayoridad nila ngayon ang pagsalba ng lahat ng mga pasahero at crew, habang susunod na rin ang agarang pagsisiyasat.
Una rito, tumagilid ang MV Maharlika II bandang hapon at tuluyan itong lumubog nitong gabi ng Sabado. (BETH JULIAN)
MECHANICAL PROBLEM ITINURO SA PAGLUBOG NG RORO
ISINISI sa mechanical failure ang paglubog ng Roll-on, Roll-off (RORO) ship na M/V Maharlika II nitong Sabado ng gabi.
“Hindi naman dahil d’un sa bagyo kundi dahil siya’y nasiraan, dead on waters. Iyon ang inisyal na report sa amin,” ani Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commander Armand Balilo.
Matatandaan, inihayag ng mga pahinante, dakong 4 p.m. nitong Sabado nakaranas sila ng aberya sa steering wheel ng barko.