MAGMUMULA sa kontrobersyal na Malampaya Fund ang anim bilyong pisong gagastusin para malutas ang power crisis hanggang 2016.
Sinabi ni Energy Secretary Jericho Petilla, kapag nabigyan ng special powers si Pangulong Benigno Aquino III sa pamamagitan ng joint resolution ng Kongreso, sisimulan na ng DoE na kumontrata ng itatayong modular generators para mapunuan ang kulang na 300 megawatts sa power supply ng bansa mula Marso hanggang Mayo 2015.
Aniya, sa tantiya ng DoE ay aabot sa 600 megawatts ang kinakailangang dagdag na generation capacity upang maiwasan ang power crisis hanggang 2016.
Ang bawat 100 megawatts ay nagkakahalaga ng P750-M hanggang isang bilyong piso.
Nais aniya ng Palasyo ang kagyat na pag-aksyon ng Kongreso sa hirit na special powers ni Pangulong Aquino dahil ang pagtatayo ng modular generator ay aabutin ng walong buwan.