Thursday , December 26 2024

Nabukong EDSA- hulikidnap, baka may ‘kakambal’ pa

00 aksyon almar

NAKAKARMA na ba ang Quezon City Police District (QCPD)? Hindi naman dahil walang dahilan para makarma ang pulisya. Ba’t naman makakarma ang pulisya samantala karamihan sa naging magaganda nilang trabaho nitong mga nadaang buwan, linggo at araw ay para sa mamamayan at hindi para sa pamunuan ng QCPD.

Kaya ba’t naman makakarma ang most awarded NCR police district na ipinagkatiwala kay Manong Banong este, Chief Supt. Richard A. Albano bilang District Director, na kahanga-hanga ang leadership dahilan para magkaroon ng magkakasunod na magagandang accomplishment ang QCPD partikular na ang kampanya laban sa ilegal na droga at laban din sa mga syndicated and organized crimes.

E kung hindi nakakarma, ano itong nangyayari sa QCPD lalo na sa La Loma Police Station 1? Marahil iyan ang katanungan ninyo.

Totoo, maraming pulis ng QCPD ang nalungkot at desmayado sa nangyari sa PS 1 na kinasasangkutan ng mga pulis dito – ang hulidap sa Mandalu-yong EDSA.

Ngunit ayon sa isang mataas na opisyal ng QCPD na nakabase sa Kampo Karingal, mabuti na iyong nangyari. Tinutukoy niya’y ang pagkabuko sa kagaguhan ng mga pulis sa La Loma. Dahil kung hindi daw nabuko ito sa pamamagitan ng social media, malamang, maraming mabibiktima ang mga hunghang.

Naniniwala pa nga ang opisyal na malamang matagal nang gawain ito ng grupo at naniniwala rin siya na kailanman ay hindi matatagumpay ang kasamaan at sa halip ay may hangganan ito.

‘Ika pa niya, dumating na ang panahon na kai-langang matuldukan na ang kalokohan nila. Iyon lang, inamin din ng opisyal na ang buong QCPD ang naapektohan. Nahihiya raw sila sa nangyari.

Pero maituturing bang karma na ito sa QCPD? Hindi, sa halip, isa itong hamon kay Albano para bantayan ang kanyang police station commanders. Oo, hindi bawat indibidwal na pulis ang bantayan kundi ang mga kumander na siyang pinakadirektang may hawak sa mga pulis na nakatalaga sa bawat estasyon.

Ang masaklap kasi nito, ilan sa mga kumander ay konsintidor – porke’t naaabutan sila ng ilan nilang gagong opisyal at tauhan lalo na kapag mala-king halaga kahit na alam nilang galing sa iba’t ibang uri ng kotong, hinahayaan na lamang nilang dumiskarte nang dumiskarte.

Ops hindi ko naman sinasabing nakinabang ang hepe ng La Loma Police Station 1 sa nabukong hulidap ng kanyang mga tauhan na sinasabing kumita ng baryang P2 milyon lang naman, at sa halip, kung magaling siyang hepe at naging maganda ang kanyang pagdidisiplina sa kanyang mga tauhan, marahil ay hindi siguro naligaw ng landas at nagkakalat sa EDSA Mandalu-yong.

Kaya kahit na wala siyang kinalaman sa ginawa ng kanyang mga opis-yal at tauhan, tama lang na sibakin ni Albano ang hepe ng La Loma PS 1. Kargo niya kasi ang lahat ‘yan.

Bagaman, naniniwala naman tayo na hindi nakinabang ang hepe ng La Loma sa sinasabing P2 milyon cash na kinita ng kanyang mga tauhan sa hulidap. Sana nga wala hepe.

Lamang mga kababayan, huwag naman lahating masama ang QCPD sa kabuoan. Tingnan naman natin ang kanilang magagandang trabaho nitong nagdaan. Pulos para sa mamamayan ang lahat ng kanilang ginawa lalo na ang pagliligtas sa mga kabataang naliligaw ng landas na gumagamit ng droga.

Oo sa pamamagitan ng mga nakompiskang kilo-kilong shabu na milyones ang halaga, daan-daang libo rin kabataan ang nailigtas sa bisyo o nasagip sa paggamit ng droga. Hindi lamang ito ang ma-tagumpay na trabaho ng QCPD laban sa kriminalidad kundi marami pa.

Kaya ang pagkakabuko sa hulidap, masasa-bing isang “blessing” sa QCPD para wala nang maging salot sa kampanya ng pulisya laban sa kasamaan. Bukod dito, ang pagkakabuko sa mga sangkot ay masasabing bunga rin ng kampanya ng PNP laban sa mga bugok na pulis.

Well, siyempre binabati naman natin ang EPD sa job well done – ang pagkakabuko nilang mga kabaro pala nila ang nasa likod ng hulidap-kidnapping sa EDSA. Hanga rin tayo sa EPD dahil hindi nila ito itinago sa publiko. Sa totoo lang puwede sana nilang itago ito kung gugustuhin nila para sa kapakanan ng PNP pero hindi nila ginawa dahil hindi kanais-nais ang kalokohan ng mga sangkot.

Kaya ang ganitong kalokohan ay dapat nang wakasan.

Kay Gen. Albano, batid ko’y desmayado ka sa kalokohan ng mga tauhan mo Sir, pero alam kong malalampasan din n’yo ang mga pagsubok na ito kaya, tanggapin ninyong isang hamon na lamang para iyong alamin ang bawat kilos ng mga pulis ng QCPD lalo ang mga station commander na naghihintay na lamang ng lingguhang intel. Biro n’yo sir, panay ang ginagawa niyong paglilinis sa mga demonyo, ‘yun pala nasa tabi-tabi lang ng La Loma PS 1.

Alamin po ninyo General, baka may ‘kakambal’ pa ‘yang mga ‘yan.

ni Almar Danguilan

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla Cannabis Marijuana

Robin iginiit benepisyong medikal na makukuha sa cannabis

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MASIGASIG si Sen. Robin Padilla sa pagsusulong ng medical cannabis dahil naniniwala …

MMFF 2024 Parade of Stars

Parade of Stars nagningning, dinumog at pinagkaguluhan

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio STAR studded at matagumpay ang MMFF 2024 Parade of Stars noong Disyembre …

Korina Sanchez-Roxas Rachel Alejandro 

Alamin major heartbreak ni Rachel Alejandro

PANALO na naman ang latest episode ng Korina Interviews this Sunday, December 22, 6:00 p.m., on NET25. Sa …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *