TINIYAK ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang pagpapasa ng panukalang batas na mag-aamyenda sa pitong-dekadang Philippine Immigration law para buuin ang isang komisyon bago matapos ang termino ng Aquino administration sa 2016.
Sa kanyang pagsasalita sa ika-74 founding anniversary ng Bureau of Immigration (BI), sinabi ni Rodriguez dapat umanong gawing prayoridad ng Kongreso ang approval sa Commission on Immigration bill dahil sa mga pangyayari nitong mga nakaraang taon na maraming dayuhan na nasa bansa ang sangkot sa mga organisadong krimen gaya ng prostitusyon, drug trafficking, human smuggling at iba pa.
Ani Rodriguez, dating BI commissioner noong Estrada administration, ang kasalukuyang immigration law, na inaprubahan noong 1940, ay hindi na makaagapay sa makabagong panahon.
“The seven-decade law does not meet the challenges posed by the numerous development in technology and communication,” ani Rodriguez, bilang guest speaker sa anibersaryo ng bureau na dinaluhan ni Justice Secretary Leila de Lima at iba pang diplomatic corps at business chambers.
Nauna nang sinabi ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr., main sponsor ng panukala, napapanahon at krusyal ang rebisyon ng pitong-dekadang Philippine Immigration Act of 1940 o Commonwealth Act No. 613 para sa pambansang seguridad at ilang konsiderasyon sa economic development.
“We have to create a more effective immigration enforcement agency and, in the process, strike a balance between protecting the people from undesirable aliens while providing channels to benefit the country in terms of tourism and investment opportunities,” anang Speaker.
(EDWIN ALCALA)