PINUNTAHAN NI YUMI ANG NOBYONG SI ARMAN SA PROBINSIYA
Nagpahatid sila sa lumang bahay ng mga magulang nito na tinutuluyan ng kanyang nobyo. At sa pagkakaupo nila sa loob ng pampasaherong sasakyan ay medyo naging emosyonal sa pagkukuwento ng tungkol sa nakatatandang kapatid.
“Hanga ako sa pagtataglay ni Kuya Arman ng maraming katangian… Pero pagdating pala sa usapin ng puso, e, napaka-weak niya. Maka-recover pa sana si Kuya… Sabagay, sarili lang naman talaga niya ang makatutulong sa pinagdaraanan niya ngayon,” anitong pigil-pigil ang paggaralgal ng boses.
“Sisikapin kong makatulong sa kanyang kalagayan…” sabi ni Yumi na parang isang pa-ngako sa kapatid ng kanyang nobyo.
“Sana nga…” anito sa pagpapakawala ng buntong-hininga.
Inabutan ni Yumi si Arman sa loob ng isang madilim na silid ng lumang bahay ng pamilya nito sa kanilang probinsiya. Gulo ang buhok ng kanyang nobyo na ‘di nasusuklay. Gusot ang mga kasuotan sa katawan. Lupaypay ang mga balikat sa pagkakaupo sa papag na tulugan. At tila malalim ang iniisip habang nakatingin sa kawalan.
Ang bigat sa kanyang dibdib ay halos sumambulat nang mapagmasdan niyang mabuti si Arman. Kusa na tuloy nalaglag ang luha sa mga mata niya. Niyakap niya nang buong higpit ang kasintahan na ‘di agad nakahuma sa kanyang paglapit. At kuminig ang kanyang mga labi sa maagap na paghingi ng tawad. Nag-imbento siya ng mga kasinungalingan upang palabasin na hindi niya sinadyang saktan ang damdamin nito.
“M-maniwala ka, Arman… Ang text message kong ‘yun kay Jimmy John na na-wrong sent sa ‘yo ay chika lang… para maging madali ang aking access sa pag-iinterbyu sa kanya,” aniya sa pagpatak ng luha sa kanyang mga pisngi.
Nag-angat ng mukha si Arman at matiim nitong itinuon ang mga mata sa kanyang mga mata. (Itutuloy)
ni Rey Atalia