UMUWI man sa Pilipinas ang Gilas na may kartang isang panalo at apat na talo sa katatapos na FIBA WORLD CUP sa Seville, Spain, may dapat ipagmalaki ang mga Pinoy sa kapwa Asyanong bansa dahil ang RP 5 ang may pinakamagandang performance sa hanay ng Asyano na lumahok sa nasabing torneyo.
Natalo man sa bansang Greece, Puerto Rico, Argentina at Croatia ay nakita sa laban ang tunay na gilas ng Pambansang Koponan na kung saan ay pinahirapan nila nang husto ang mga nabanggit na bansa bago tuluyang yumuko.
Ang mahalaga sa inilaro sa Spain ay umuwi ang Gilas sa Pilipinas na nag-iwan naman ng respeto sa mga bansang naging kalahok sa FIBA World.
At ang nag-iisang panalo ng Pinas kontra Senegal sa huling laro nila ay magiging panimula lang ng panibagong sigla ng larong basketball sa bansa para sa mga parating na malalaking torneyo na lalahukan ng Gilas.
Ang South Korea na bronze medalist sa nakaraang FIBA Asia ay umuwi sa bansa nila na may baong limang talo sa Group D ng FIBA World, samantalang ang gold medalist na Iran sa FIBA Asia na bagama’t naglista ng panalo kontra Egypt ng 15 puntos ay pinagtatambakan ng ibang bansa sa Group A.