NAPAKINGGAN na namin ang 15 entries na napili nila mula sa mahigit na 6,000 komposisyong isinumite sa Himig Handog Pinoy Pop music competition ng ABS-CBN at Star Records. Tinipon din nila ang mga pinakamahuhusay at pinakasikat nilang singers para maging song interpreters kagaya nina Jed Madela, Jessa Zaragoza, ang teen idol na si Daniel Padilla at iba pa.
Palagay namin, iyon lang sina Jed, Jessa, at Daniel Padilla, sapat na para dumugin ng mga tao ang kanilang finals na gaganapin sa Araneta Coliseum sa September 28. Idagdag mo pa riyan na ang maririnig nila roon ay puro bago at orihinal na love songs, na nilikha ng mga batikan at mga bagong composers. May ilang kanta roon na nagustuhan namin, pero hindi na namin babanggitin dahil iyan nga ay isang contest, at ayaw naman naming masabi na nagkakalat kami ng impluwensiya para sa mga kantang iyon.
Iyong finals ay mapapanood naman ninyo sa araw ding iyon sa ABS-CBN.
Sa ngayon, iyang Himig Handog ang masasabi na ngang pinakamalaking music competition dito sa Pilipinas. Hindi lamang kasi iyan nag-aalok ng malaking premyo para sa mga composer, naroroon pa rin ang katiyakan na iyan ay maisasaplaka o magagawa sa CD dahil sa Star Records at maipakakanta sa mga mahuhusay at sikat na mga recording artist. Malaking bagay iyon para sa isang composer.
Sa panahong ito, maganda man ang magawa mong kanta, hindi ka nakasisiguro na iyon ay maire-record at makakanta ng isang sikat na singer, lalo na at baguhan ka pa lang. Iyang bagay na iyan ang binibigyang daan ng ABS-CBN at ng Star Records.
Sa ngayon, walang ibang recording company na nakaiisip ng ganyan, dahil alam naman natin na may krisis din ang industriya ng musika. Pero ang Star Records, patuloy sa pagtuklas ng mga bagong composer at pamimili ng mga mahuhusay na kanta.