ni Ed de Leon
HINDI rin namin maintindihan kung bakit marami pa ang nagtatanong kung bakit humingi ang megastar na si Sharon Cuneta ng “pre-termination” ng kanyang kontrata sa TV5 na kung tutuusin ay may natitira pang mahigit na dalawang taon. Nakalagay sa kanyang five year contract na babayaran siya ng P1-B sa loob ng limang taong iyon na may gawin man siyang proyekto o wala. Kung natigil man ang ilang shows na nagawa niya, eh ano ba, basta babayaran siya ng P1-B.Pero maliwanag naman kasi na hindi iyong P1-B ang mahalaga para kay Mega. Noong lumipat siya sa TV5, natural ang hinahanap niya ay mas magandang outlet para sa kanyang career. Kung may naniniwala nga ba na maigagawa siya ng mas magagandang projects kaysa mga nagawa na niya at babayaran pa siya ng P1-B, bakit nga ba hindi?
Alam naman natin kung ano ang nangyari sa kanyang mga proyekto. Noong una, pinagawa siya ng isang talk show, pero maliwanag naman from the start na hindi iyon ang inaasahan sa kanya ng fans niya. Hindi maganda ang resulta niyon, tapos noong mangailangan ng studio ang show ni Willie Revillame, iyong studio nila ay ipinagamit muna kay Willie. Sila ang nawalan ng studio kaya kaysa naman pakalat-kalat sila, itigil na lang muna.
Pinagawa siya ng isang sitcom. Okey naman ang resulta niyon, katunayan extended iyon ng ilang buwan pa. Pero palagay namin malabo naman sa mga plano ni Sharon ang maging isang komedyante. Inaamin niya na naging problema niya ang kanyang pagtaba, hindi niya na-control iyon. Pero hindi naman dahil doon ay magiging comedian na lang siya.
Tapos pinagawa siya ng isang musical, kasama si Ogie Alcasid. Iyon naman mis-match ang show. Mahirap makabangon dahil si Ogie ay sunog na sunog na sa pinanggalingang network na ginawa na niya ang lahat. Iyong kaso ni Ogie, parang nagsawa ang mga tao eh, kaya ganyan.
Tapos may serye na namang gagawin, pero hindi nga naplantsang mabuti ang plano. Malabong ituloy. Kaya kung ganoon nga ang nangyayari, hindi ba mas mabuti na maghiwalay muna ng maayos at baka may magawa pa para sa isa’t isa na mas mabuti?
PINOY MODELS, MAS MALAKAS PA RIN ANG DATING
NOONG magkaroon ng preview iyong Naked Truth, iyong denim and underwear show ng Bench na gaganapin sa Arena sa September 19, isang bagay ang napuna namin. May mga modelong foreigner. At hindi maikakailang nasa Bench ang lahat ng pinakamahuhusay at sikat na foreign models. Pero sa kabila niyon, nangingibabaw pa rin sa audience ang mga artistang Pinoy. Iyong mga Pinoy pa rin ang kanilang gustong makita at tinilian.
Noong gabing iyon, mukhang masyadong malakas ang dating nina Tom Rodriguez, Markki Stroem at maging ng baguhang si Dominic Roque. Kaya sino nga ba ang nagsasabing mas gusto ng mga kabataang Pinoy ngayon ang mga foreigner? Wala pa noong preview na iyon si Daniel Padilla, na tiyak makatatawag ng pansin sa kanyang pagrampa.
Mas malakas pa rin ang mga Pinoy sa kapwa Pinoy, kaya nga lang siguro hindi sila nabibigyan ng mga tamang proyekto para sumikat. Siguro kailangan ding tingnang mabuti ng mga network iyong mga material ng kanilang mga teleserye. Siguro kailangang tingnan nilang mabuti kung ano nga ba ang ginagawa ng kanilang mga creative department. O baka naman sa kanilang network, iyon at iyon na lang ang mga artistang inilalabas nila at nakalilimutan na iyong iba.