Friday , December 27 2024

Bagong pasabog sa Senado: Biddings sa Makati niluluto ng Binays (Landmark buildings itinayo ng Hilmarc’s)

090514_FRONT

HINDI lamang ang kontrobersyal na Makati Parking Building ang niluto sa bidding para pagkakitaan ng tongpats, kundi lahat ng proyekto sa Makati kasama na ang birthday cake para sa senior citizens.

Ito ang inamin sa Senado ng isang dating opisyal ng Makati na nagsabing nasimulan ang lutuan ng mga bidding nang manungkulan si Vice President Jejomar Binay bilang Mayor ng siyudad.

Ayon kay Engr. Mario Hechanova, lahat ng proyektong ipinapa-bid ng Makati City Government ay ibinibigay sa mga piling kontraktor batay sa personal na desisyon ni VP Binay at hindi ayon sa itinatakda ng batas.

Inamin din ni Hechanova na tumatanggap siya ng P200,000 allowance bawat buwan mula kay VP Binay para lutuin lamang ang bidding ng mga proyekto ng Makati City Hall pabor sa mga kontratista ng Bise Presidente.

Nagsilbi si Hechanova nang 19 taon bilang opisyal ng Makati, mula noong siya ay General Services Officer hanggang ma-appoint na Vice Chairman ng Bid and Awards Committee.

Inamin ni Hechanova na may personal siyang kaalaman sa nangyaring anomalya nang ibigay ang kontrata ng Makati Parking Building sa Hilmarc’s Construction Corporation.

Bukod sa Makati Parking Building, ang nasabing kontratista rin ang gumawa ng iba pang proyektong nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso tulad ng Makati City Hall, Ospital ng Makati at Makati Science High School.

Sinabi ni Hechanova bago umpisahan ang bidding sa Makati Parking Building, ipinatawag siya ni dating Makati City Engineer Nelson Morales para siguruhin na mapupunta ang kontrata sa Hilmarc’s Construction Corporation.

“Ipinatawag ako ni City Engineer Morales at sinabihan ako kung sino ang dapat manalo sa proyektong ito. Niluto po namin ang bidding dito,” pag-amin ng enhinyero.

Ipinaliwanag ni Hechanova, sigurado siyang ang utos ni Morales ay nanggaling kay VP Binay dahil ang City Engineer ay kilalang alter-ego ng Bise Presidente.

“Sigurado ako na utos ni Mayor (Jojo Binay) iyon dahil matagal nang kasama ni VP Binay ang City Engineer at trusted po niya iyan. Hindi gagawa ng kalokohan iyan na hindi alam ni VP Binay,” paliwanag ni Hechanova.

Sinabi ni Hechanova, pinatay ng mga di-kilalang tao si Engr. Morales noong Setyembre 2012 at hanggang ngayon ay hindi pa nalulutas ng mga awtoridad ang nasabing kaso.

Ibinunyag din ni Hechanova na noong Vice Chairman pa siya ng BAC, ipinatawag siya ni VP Binay sa Mayor’s Office para tanungin kung bakit naaantala ang pagbabayad ng City Hall sa mga cake na ipinamimigay sa senior citizens.

“Minsan, ipinatawag niya (VP Binay) ako at sinabihan: Mario, ano na nangyayari sa payment ni Nancy?” ani Hechanova.

“Ang alam naming lahat, kay (Sen.) Nancy (Binay) ang negosyo ng cake at kinagagalitan ako ni Mayor (Jojo Binay) kapag tumatagal ang bayad,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ng enhinyero na hindi niya agad naiuutos ang pagbayad ng cake kay Sen. Nancy Binay dahil walang pirma ang ilang beneficiaries na dapat nakatanggap ng nasabing regalo mula sa City Hall.

Batay sa salaysay ni Hechanova, nagagawa nilang lutuin ang lahat ng bidding sa mga proyekto ng Makati dahil walang nagtatangkang magkuwestyon sa mga desisyon ni VP Binay at Engr. Morales.

“Walang nagkukuwestyon, kalakaran na iyan sa Makati. Lahat ng bidding, luto po iyan,” diin pa niya.

“Pag may sumasaling iba sa bidding, tineteknikal namin sila at nadi-disqualify sa prequalification,” dagdag niya.

Ikinuwento ni Hechanova na minsan na nilang ipinakulong sa elevator ng Makati City Hall ang isang bidder na nagtangkang sumali sa bidding ng rescue at fire-fighting equipment nang walang pahintulot ni VP Binay.

“Yung bibili ng bidding documents, ikinulong namin sa elevator kaya na-late nang 20 minuto sa actual bidding. Kung nakikinig siya (bidder) ngayon, humihingi ako ng pang-unawa dahil sundalo lang ako,” ani Hechanova.

Noong nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee, inamin din ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na kumita si VP Binay nang malaking halaga mula sa tong-pats ng kontrobersiyal na Makati Parking Building.

“Kung ang Vice Mayor ay nakinabang, lalo na po ang Mayor. Imposibleng hindi nakinabang ang Mayor. Iyan po ang kalakaran sa Makati,” paliwanag ni Mercado.

Sinabi ni Mercado na nagulat siya nang malaman niya mula sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na umabot na sa P2.7 bilyon ang pondong inilaan ng Makati City Government para sa pagpapatayo ng Parking Building.

Sa kanyang pagkakaalam, ani Mercado, hindi lalampas sa P1.2 bilyon ang pondong gugugulin para matapos ang pagpapatayo ng Parking Building.

“Sa presyong ito, tapos na dapat ang building at kasama na dapat dito ang bayad sa arkitekto at fixtures,” paliwanag ni Mercado.

LANDMARK BUILDINGS ITINAYO NG HILMARC’S

AYAW man makialam sa isyung overpricing ng Makati City Hall Building, dinepensahan ng contractor na Hilmarc’s Construction Corporation (HCC) ang kalidad ng itinayo nilang labing-isang palapag na gusali ng Makati City Hall na hindi umano matatawaran sa tibay at katatagan.

Ipinaliwanag ng HCC ang kanilang kompanya na kabilang umano sa top 10 Construction companies sa bansa, ang HCC ay nagsimula noong 1977 na mayroon umanong workforce asset na maipagmamalaki gaya ng civil, electro-mechanical engineers, architects bukod pa sa de-kalidad na construction equipment.

Ilan sa mga gusali na naitayo na ng HCC ay ang SM Mall of Asia, Philippine Arena, GMA Network, Iloilo Convention Center at marami pang mga condominium, commercial at residential establishments.

Iginiit ng HCC ang kanilang track record ang tatayong pinakamatibay na ebidensiya ng pagtitiwala ng mga kliyenteng kanilang pinagsisilbihan sa larangan ng construction.

Ipinaliwanag din ng HCC na may pagkakaiba ang government sector at private sector pagdating sa usapan ng construction na ang proyekto sa gobyerno ay ‘ALL IN BID’ o 100% ay sagutin ng contractor kasama na ang labor, materials, taxes, contingencies, insurance at lahat na.

Samantala sa practice ng ilang private sector ay tanging 35% to 45% lamang ng project ang sagutin nila. Sa ganitong paraan ang project owner na ang nagsu-supply ng halos hindi kukulangin sa 60% ng project cost na nagpapababa ng gastusin ng general contractor.

Ayon kay Atty. Rogelio Peig, Vice President for Legal Affairs ng HCC, labas dapat ang HCC sa kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon nina Makati Mayor Jun-Jun Binay at Vice President Jejomar Binay ukol sa overpricing ng Makati City Hall gayon man nakakaladkad din ang kanilang kompanya  pero sa kabila nito ay handa umano nilang idepensa ang kanilang ginawa sa lungsod mula sa pundasyon nito hanggang sa bawat palapag ng gusali.

“As far as how the building was constructed from the foundation to its every floor, the HCC can guarantee that it is based on technical specifications approved by the client,” pahayag ni Atty. Peig.

Iginiit ng kompanya na mayroon silang 37-year expertise na basehan para masabing ang itinayo nilang mga gusali ay matitibay at de kalidad.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla Cannabis Marijuana

Robin iginiit benepisyong medikal na makukuha sa cannabis

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MASIGASIG si Sen. Robin Padilla sa pagsusulong ng medical cannabis dahil naniniwala …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Manila Honey Lacuna Yul Servo Nieto

Mayor Honey, VM Yul, Asenso Manileño Team namahagi ng Christmas gift boxes para sa Senior Citizens ng Maynila

NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *