MATUNOG na namang pinag-uusapan ang pagkasa ng laban nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Ayon kay Bob Arum, mismong ang mga top executives na ang nag-uusap ng HBO na kung saan nakakontrata si Pacquiao at SHOWTIME na kung saan naman konektado si Mayweather.
Sa nasabing usapin ay interesado ang kampo ni Pacman lalo na si Trainer Freddie Roach. Panay na ang salita ni Roach sa social media at tuwiran niyang sinasabi na tatalunin ng kanyang alaga ang walang talong Kanong boksingero.
Ayon pa kay Roach, nakita niyang mahina na ang tuhod ni Mayweather sa mga nakaraang laban at iyon ang ika-capitalize ni Pacman para ipalasap dito ang kauna-unahang talo sa ring.
Nito lang nakaraang araw ay na-interview si Pacman ng NJ.com at nilinaw niya na handa niyang harapin si Mayweather sa ring.
May himig paghamon ang una niyang tinuran sa panayam, “You talk pound-for-pound best, or undefeated champion. If you don’t defend against the best, none of that means anything.”
Kaya ramdam ni Pacquiao ay nararapat lang na magharap sila sa ring para mapagbigyan ang kahilingan ng mga nagmamahal sa boksing.
Ayon pa kay Pacquiao, kaya maraming dahilan si Mayweather ay natatakot itong itaya ang walang talo nitong karta.
At naniniwala naman si Pacman na kaya niyang ipalasap kay Mayweather ang una nitong talo dahil alam niya kung paano gigibain ang depensa ni Mayweather.
“Listen, this is me. I punch, and punch, and punch. This is boxing. If you don’t punch, you don’t deserve to win. For me, that has always been boxing,” pahayag ni Pacquiao.
Sa huling bahagi ng interbyu ng NJ.com kay Pacquiao, nag-iwan ito ng mensahe para kay Floyd: “If boxing is your passion with great conviction, why be nervous? It’s what you do.”
Nakatakdang lumaban si Mayweather sa isang rematch kontra kay Marcos Maidana sa Setyembre 12 sa Las Vegas. Sa una nilang paghaharap ay nanalo si Floyd via majority decision.
Samantalang i Pacman ay nakatakda naman sagupain niya ang walang talong boksingerong si Chris Algieri sa Macau sa darating na Nobyembre 23.
oOo
Nininerbiyos daw si Chris Algieri kapag na-llamado raw siya sa laban.
Kontra Pacman, super-dehado siya.
Ano naman kaya ang nararamdaman niya sa pagkakataong ito?
Positibo ang pananaw ni Algieri na tangan niya ang susi kung paano tatalunin si Pacquiao. Ang problema lang, baka mabitawan niya iyon sa aktuwal na laban at hindi na niya mabuksan ang sinasabi niyang kahon ng tagumpay.
ni Alex L. Cruz