NILINAW na ni President Noynoy Aquino na hindi siya magiging bahagi ng susunod na halalang pampangulo. Pati si Nacionalista Party president at dating Senador Manny Villar ay nagpahayag na hindi na siya tatakbo para pangulo sa 2016.
Para kay Vice President Jejomar Binay, mukhang kanyang-kanya na ang pampanguluhan. Siya pa lang ang tanging nagdeklara ng kandidatura sa ngayon, at patuloy na nangu-nguna nang milya-milya sa mga survey laban sa mga potensyal na nangangarap maging pangulo.
Sa desisyon ni PNoy ay dapat magising na sa katotohanan ang ilang nahihibang na miyembro ng Liberal Party at tigilan na ang pagtutulak sa Pangulo na labagin ang Konstitusyon o am-yendahan ang pampolitikang probisyon upang makatakbong muli sa panibagong termino.
Ngayong wala na si PNoy sa halalan, walang ibang manok para pangulo ang LP kundi si Interior Secretary Mar Roxas. Pero batay sa mga survey ay walang kalaban-laban si Roxas kay Binay.
Marahil ay hindi maiiwasan ang kapalaran kahit na ano pa ang gawing pangangapa sa dilim nina Senador Alan Peter Cayetano at Senador Antonio Trillanes para madikdik si Binay.
Ginagawa ng dalawa ang lahat ng kanilang makakaya para makakuha ng ebidensya na magdidiin kay Binay sa pagpapatayo ng Makati City Hall parking building na ipinagpipilitan nilang “overpriced” umano kahit na sumailalim ang proyekto sa pambubusisi ng kinatawan ng Commission on Audit (COA) sa lungsod.
Maaaring isigaw nina Cayetano at Trillanes nang paulit-ulit sa buong mundo na nais ng pagsisiyasat ng Senado na mahalungkat ang mga anomalya sa naturang proyekto ng Makati, at hindi pulitika ang isyu. Pero nabuko si Trillanes sa sariling bibig nang sabihing dapat malaman ng publiko ang katotohanan dahil nais tumakbo ni Binay para pangulo.
At bago natin makalimutan, ang mga tao na inanyayahan nilang dumalo sa pagdinig ng Se-nate Blue Ribbon Committee – sina Atty. Renato Bondal at Nicolas Enciso na nagsampa ng kasong pandarambong sa Ombudsman laban sa Bise Presidente at sa anak niyang si Mayor Junjun Binay kaugnay ng pagpapatayo ng parking building, at si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado – ay pawang kalaban sa politika ng mga Binay.
Para sa publiko, ang aksyon nina Cayetano at Trillanes – “in aid of publicity” kaysa “in aid of legislation” – ay nagpapakita lang ng tunay nilang intensyon na alisin ang pinakamatibay na kalaban sa pampanguluhan. Dati nang nagpahayag si Cayetano na plano niyang tumakbo para pangulo sa 2016.
Pero mahirap tibagin si Binay. Sinusuportahan siya ng karamihan ng mga kababayan dito at sa ibang bansa, kabilang na ang mga overseas Filipino Worker (OFW) na kanyang tinulungan sa mga agaw-buhay na sitwasyon o pinakamabigat na panahon ng kanilang buhay.
At mukhang hindi natitigatig si Binay sa isinasagawang pagsisiyasat ng Senado. Ayon nga sa bago niyang tagapagsalita na si Cavite Go-vernor Jonvic Remulla, preparado na ang Bise Presidente sa susunod na halalang pampangulo, at handa nang mangampanya, manalo, at mamuno.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.