IPABEBERIPIKA ng Palasyo ang ulat ng Commission on Audit (CoA) na umabot sa P5 bilyon mula sa Conditional Cash Transfer (CCT) program ang hindi maipaliwanag ng Philippine Postal Corp. (Philpost) kung nakarating sa mga benepisyaryo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Will verify,” matipid na tugon ni Communications Secretary Rene Almendras kung paiimbestigahan ng Malacanang ang Philpost.
Ang Philpost ang isa sa mga katuwang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa implementasyon ng CCT program para ipamahagi ang ayudang pinansiyal ng gobyerno sa mga pinakamahihirap na pamilyang Filipino sa buong bansa.
Bukod sa operasyon ng CCT, binatikos din ng CoA ang Philpost sa pamumudmod ng mga regalo, donasyon at pag-sponsor sa mga aktibidad ng simbahan at paaralan; pagpayag sa P1.085 milyon na sobra sa per diems para sa committee meeting; pagtaas ng sweldo ng postmaster general at kanyang assistant ng P1.68 milyon nang walang basbas ni Pangulong Benigno Aquino III; hindi awtorisadong pagbabayad ng P1.596 milyon performance-based incentive sa kanilang mga director; P1.79 milyon illegal subsidies sa car loans ng kanilang mga opisyal at director; at pagdoble ng bilang ng mga consultant sa 36 na nagresulta sa dagdag na P10 milyong bayarin mula noong 2012.
Ang Philpost ay pinamumunuan ni dating Bulacan Gov. Josie dela Cruz. (R. NOVENARIO)