IPINATAW NI HARING HOBITO ANG PARUSANG PAGPAPATAPON SA LUPA KAY KURIKIT
“Kung tutuusin, magaan pa nga ang ipinapataw kong kaparusahan sa nagawang kasalanan ng anak n’yo… ‘Yan ay dahil na rin sa pagsasaalang-alang ko sa inyong mag-asawa na kapwa mabuting mamama-yan ng Hobitsky. At kundi dahil sa inyong dalawa ay baka patay na siya sa mga oras na ito, “ pagbibigay-konsolasyon ng hari sa mga magulang ni Kurikit.
Isa sa mga alipores ni Haring Hobitsky ang sapilitang nag-alis sa daliri ni Kurikit ng singsing na nagta-taglay ng ordinaryong kapangyarihan na kagaya ng sa iba pang ordinaryong duwende. Ibinigay iyon sa reynong nakaupo sa trono. At hatol pa rin nito, maibabalik lamang ang singsing ng binatang duwende kapag natapos niya ang limang taong sentensiya.
“Yamang taong mortal na taga-ibabaw ng lupa ang kanyang kinampihan at pinagmalasakitan sa pulong natin kanina ay doon ko siya ipatatapon. Tingnan ko lang kung makatatagal siya ng paninirahan doon,” ngisi ni Haring Hobito.
Mahigpit na niyakap si Kurikit ng kanyang ina na tuluyan nang napaiyak. Palihim nitong hinugot sa daliri ang pag-aa-ring singsing at saka iyon iginiit sa palad niya. Pabulong na nagtagubilin na malaki umano ang maitutulong niyon sa paninirahan nya sa mundo ng mga tao.
“Pero hindi direktang magagamit ang kapangyarihan ng singsing na ‘yan para sa pansariling interes mo dahil sa nasa ilalim ka ng kaparusahan ng ating hari. Magkaka-bisa lamang iyan kung ibang nilalang, o kahit taong mortal, ang pagagawin mo ng isang bagay na makapagbibigay sa iyo ng kapaki-nabangan,” paglilinaw ng butihing ina kay Kurikit.
“P-pero, paano ka na?” naitanong niya sa inang si Kookay.
“’Wag kang mag-alala, anak… Nariyan naman ang erpat mo. Hindi niya ako pababayaan,” ang maagap nitong tugon sa kabila ng tuloy-tuloy na pagtulo ng luha sa mga mata.
“Mami-miss ko po kayo ni erpat,” ang nasabi ng binatang duwende na mangiyak-ngiyak.
“Anak, hihintayin namin ng ermat mo ang iyong pagbabalik… Mag-iingat ka sana lagi saan mang lupalop ka mapadpad…” tagubilin sa anak ng amang nagpipilit magpakatatag.
Binitbit si Kurikit palabas ng palasyo ng mga tauhan ni Haring Hobito upang agarang isakatuparan ang pagpapatapon sa kanya sa ibabaw ng lupa.
(Itutuloy
ni Rey Atalia