MARAMI sa libo-libong container vans na nakatengga ngayon sa mga daungan sa Maynila ang may kargang ilegal o mapanganib na epektos kaya hindi kinukuha ng mga importer o inabandona nan g may-ari ng mga ito.
Batid naman ng mga awtoridad na matagal nang tambakan ang Pilipinas ng hazardous wastes mula sa mga industriyalisadong bansa kaya nakapapasok sa ating mga daungan ang container vans na lubhang delikado at nakawawasak sa ating kapaligiran.
Kaya nanggagalaiti ang opisyales ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) nang matuklasan na pinalusot ng Manila International Container Port (MICP) ang 16 kontaminadong containers van na naglalaman ng hindi matukoy na kargamento ngunit pinagmumulan ng nakakasulasok na amoy at tinatagasan ng masangsang na likido.
Sa paliwanag ni SBMA Chairman Roberto Garcia, ang mga container van ay kabilang sa 721 container vans na dumating sa New Container Terminal 2 ng Subic Freeport sakay ng M/V Asterix mula sa Maynila noong nakaraang Agosto 29 ng umaga.
Makaraang makatanggap si Garcia ng mga report na ilan sa mga container vans ay naglalabas ng napakabahong amoy at tinatagasan ng maruming tubig, agad niya itong ipinasuri at nakita ang 16 containers vans na agad inihiwalay sa karamihan.
Hiniling din ng SBMA sa pangasiwaan ng MCIP na kunin at ibalik sa Maynila ang naturang mga container van upang hindi ito maging sanhi ng anumang problema sa kalusugan at kalikasan ng Subic Bay.
Ani Garcia: “Hindi na dapat maulit pa ang ganitong insidente kaya hihingin na namin ang buong detalye ng nilalaman ng bawat container van na ipapasok sa Subic mula sa Maynila.”
Inaasahang mahigit sa 3,000 container vans na pawang idineklara bilang kumpiskado o abandonado ng Bureau of Customs (BOC) o overstaying na sa MICP ang ililipat sa SBMA, Port of Batangas at iba pang daungan para masolusyunan ang port congestion sa Maynila.
Ngunit dapat ding maging alisto ang mga awtoridad, lalo ang BOC, dahil posibleng nasa naturang containers vans ang mga ilegal na kemikal na ginagamit ng mga sindikato ng droga sa paggawa ng shabu.
Lahat ng paraan ay gagawin ng drug syndicates para makapagpasok sa bansa ng shabu chemicals kaya dapay munang suriin ang lahat ng container vans lalo ang mga umaalingasaw dahil posibleng nakahalo rito ang mismong bawal na gamot.
Ariel Dim Borlongan