Thursday , December 26 2024

Angeline, divang-diva sa Hanggang Kailan; Michael, mala-Ariel Rivera ang pagkakakanta ng Pare, Mahal Mo Raw Ako

090414 Angeline Quinto michael

00 fact sheet reggeeIBA ang dating ni Angeline Quinto sa music video niyang Hanggang Kailan na isinulat niJoel Mendoza bilang entry sa Himig Handog P-Pop Love Songs 2014 dahil unang shot palang ay naka-black long gown siya ng itim sa tuktok ng isang building, sabi nga, divang-diva talaga.

Anong panama nina Celine Dion, Mariah Carey, Barbra Streisand, Cher at iba pang diva singers.

Anyway, ang kuwento ng kanta ni Angeline ay tungkol sa boyfriend niyang akala niya ay sila na pero nang maghiwalay sila at nangibang bansa ang lalaki ay nagunaw ang paraisong nabuo sa isipan at nang bumalik na akalang babalikan siya ay hindi na pala dahil may iba ng mahal.

Maganda ang lyrics ng Hanggang Kailan, pero walang bago sa tono dahil parang katono rin ng nasa album nitong teleserye theme songs, sa madaling salita, walang recall.

At napakaraming beses ng ginamit ang titulong Hanggang Kailan, tulad ng awitin ng Orange and Lemons na soundtrack ng Jollibee, Hanggang Kailan ni Sarah Geronimo na theme song ng My Husband’s Lover, Hanggang Kailan ni Rannie Raymundo, Hanggang Kailan rap song ng Flick One Janelle etc., Hanggang Kailan ni Martin Nievera at ang paborito namingHanggang Kailan ni Wency Cornejo.

Pero kung ang mga hurado ay tipo ang mga ganitong klaseng kanta ay malaki ang tsansang manalo ni Angeline at higit sa lahat, tiyak ng makukuhang themesong ng serye ang Hanggang Kailan.

Nagustuhan namin ang lyrics ng Mahal Ko o Mahal Ako na isinulat ni Edwin Marollano na ininterpret ni KZ Tandingan dahil litong-lito ang babae kung sino ang pipiliin niya, ang taong mahal siya o mahal niya.

Pero hindi namin nagustuhan ang pagkakanta ni KZ dahil hindi suwabe ang timbre ng boses niya kompara sa ibang kantang kinakanta niya at higit sa lahat, hindi rin namin nagustuhan ang music video na parang may pictorial session ang dalawang guy na todo emote ang nasa kanan bahagi habang nasa gitna naman ang singer.

Tatak Bugoy Drillon ang awiting Umiiyak ang Puso na isinulat ni Rolando Azor na isa rin sa may maraming titulo dahil mayroon ding kanta sina April Boy Regino, Paulette, at Angeline.

Tungkol sa lalaking akala’y mahal siya ng babaeng pakakasalan, pero pagdating sa simbahan ay run away bride pala ang drama, eh, timing naman dahil hiwalay na pala sina Bugoy at Liezel Garcia.

Sumobra naman ang awiting Simpleng Tulad Mo ni Daniel Padilla na isinulat ni MJ Magnona ang kuwento ay simple lang ang gusto sa buhay ng lalaki na mahalin ang babaeng gusto niya at sa kanilang dalawa lang iikot ang buhay.

Sa madaling salita, walang pangarap ang guy?

Tsika lang ang music video dahil halatang estudyante ang gumawa at ang peg ay ang Got To Believe serye na may murals painting pa na kunwari sina DJ at Kathryn Bernardo ang nagpipinta na kasama rin sa video.

Pawang bagets ang tiyak na makaka-appreciate ng music video at kanta ni Daniel. (Pero cute ang dating ng music video in fairness—ED)

Panalo ang pagkakanta ni Jed Madela sa awiting If You Don’t Want To Fail na isinulat niJude Gitamondoc dahil tiyak namang ayaw din ng singer na ma-fail ang tagahanga niya kapag hindi niya naipanalo ito sa Himig Handog.

Madamdamin ang lyrics ng You Don’t Want To Fail at pang-contest talaga ang dating base sa melody na lungkot-lungkutan at sabay birit sa huli.

Hindi namin type ang music video na gawa ng University of Santo Tomas dahil walang gaanong interaksiyon at masyadong madrama ang bidang lalaki na pinagod ang sariling ayusin ang venue na dinner table with lots of rose petals tapos susunugin lang pala.

Parang tuod naman si Juris sa music video niya dahil nakatayo lang at kanta ng kanta sa awitingHindi Wala na isinulat ni Nica del Rosario.

Maganda ang lyrics ng kanta, pero parang hindi si Juris ang kumanta dahil masakit sa tenga ang timbre ng boses, o nasanay lang kami sa malamyang boses ng dating miyembro ng MYMP?

Hindi kami fan ng rap/R & B songs kaya hindi namin ma-appreciate ang Halik sa Hangin ninaAbra at Ebe Dancel na isinulat ni David Dimaguila, pero kung kinanta siguro ito ng hindi pa-rap, eh, baka nagustuhan namin dahil ang ganda ng lyrics.

Birit-biritan din ang tema ng Dito ni Jovit Baldivino na isinulat nina Raizo Chabeldin at Blv de Vera na wala ring bago ang tono para sa amin.

Ang ganda sa screen at personal ng kumanta at nagsulat ng Everything Takes Time na si Hazel Faith de la Cruz na ang kuwento base sa music video ay nagmamadaling magdalaga ang isang batang babae na cute naman din. Masaya ang tono ng kanta ng dalagang kasama pala sa Be Careful With My Heart bilang flight attendant bestfriend ni Jodi Sta. Maria. Sana mabigyan siya ng chance sa Himig Handog P-Pop Love Songs 2014.

Iisa ang nasabi ng lahat, ang ganda-ganda naman ng misis ni Dingdong Avanzado na si Jessa Zaragosa sa music video niya sa awiting Bumabalik ang Nagdaan na isinulat ni Sarah Jane Gandia dahil very fresh as in.

Sinong mag-aakalang may 10 taong gulang na anak na si Jessa kung ibabase mo sa music video at panalo ang bath tub scene, ‘yun nga lang, puro close-up ang kuha, pang TV lang ba ito? Sana gumamit naman ng long shot o full frame. Sayang ang ganda pa naman dahil glossy ang dating.

Isa pang birit-biritan din ang awiting Akin Ka Na Lang na kinanta ni Morissette Amon na isinulat ni Kiko Salazar na sa totoo lang, wala ring recall sa amin dahil siguro iisa ang tono para sa amin ang mga ganitong klase ng melody?

Samantala, agaw pansin talaga ang music video ng Pare, Mahal Mo Raw Ako na isinulat niJoven Tan na ginawa ng mga estudyante ng University of the Philippines dahil habang ipinakikita ito sa presscon ng Himig Handog ay walang tigil ang hiyawan mga taong nasa loob ng Dolphy Theater noong Lunes ng gabi. Marami raw kasing nakare-relate.

Maayos at naipakita sa music video ang mensahe ng kanta at sobrang linaw at maraming nangyayari tulad ng kinakausap ng singer ang kumpare niyang in-love sa kanya na kasama niya sa mga lahat tulad ng paglalaro ng basketball, inuman, pamimisikleta, pamamasyal, biruan, gimikan, at hanggang sa pagtulog.

Ang ganda rin ng interpretation ni Michael Pangilinan na suwabeng-suwabe ang boses, malaAriel Rivera ang dating.

Cute naman ang music video ng Pumapag-Ibig ni Marion Aunor na isinulat ni Jungee Marcelo dahil nakaiindak at nakaka-LSS na ang kuwento ay nag-umpisa sa ligawan hanggang sa naging sila sa ending.

Sabi nga ni Mr. Jungee ay wala siyang maisip na malungkot na kanta dahil sobrang masaya sila ng misis niya. Oo nga naman.

Tawa naman kami nang tawa sa awitin ni Janella Salvador na Mahal Kita na isinulat niMelchora Mabilog dahil parang ‘yung shampoo commercial niya ang peg ng music video na sumasayaw-sayaw at maraming kasama pa. Okay lang ang kanta, pang-hay-iskul.

Ang Walang Basagan ng Trip nina Jugs at Teddy na isinulat ni Eric de Leon ay hindi love songs ang dating sa amin dahil bukod sa tonong rock ay walang lyrics na mahal niya ang isang tao, basta ang sabi lang, ”kung gusto kong manligaw, pwede walang basagan ng trip?”Susme, eh, parang nanakot pa ang dating. Sabi nga ng Showtime duo, ”kung may tanong kayo, basahin n’yo na lang ang lyrics, walang basagan ng trip.”  Oo nga naman.

Kaya sa mga gustong mapanood ng personal ang Himig Handog P-Pop Love Songs 2014contestants ay sabay-sabay pumunta sa Smart Araneta Coliseum sa Setyembre 28, 7:30 p.m..

ni Reggee Bonoan

About hataw tabloid

Check Also

Rufa Mae Quinto Trevor Magallanes

Rufa Mae go-go-go pa rin kahit maraming problema

MA at PAni Rommel Placente MARAMI ang humanga sa pagiging positibo ni Rufa Mae Quinto …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

Atong Ang Sunshine Cruz.

Atong Ang inamin relasyon kay Sunshine

INAMIN ng negosyanteng si Atong Ang na may relasyon sila ng aktres na si Sunshine …

Bong Revilla Jr Boss Toyo Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Sen Bong walang nakikitang mali sa mga lalaking takot sa kanilang misis 

MATABILni John Fontanilla MATALINO, mapagmahal, may puso. Ito ang paglalarawan ni Senador Bong Revilla sa …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *