NABIGO SI KURIKIT SA KANYANG SUHESTIYON KAY HARING HOBITO PERO INAKALA NIYANG IYON AY DEMOKRASYA
“Hindi po tayo nakikita ng mga taong mortal. Tayo po ang nakakakita sa kanila… Hindi po ba mas dapat na tayo ang umiwas sa kanila bago pa nila tayo maperhuwisyo?” ang pasimula ni Kurikit.
Napatingala ang hari sa binatang duwende. Kunot-noo, naging mala-estatuwa sa matagal na nag-isip.
“Isa pa po, nagtataglay tayo ng mga pambihirang kapangyarihan… Sa isang kisap-mata lamang ay kaya nating ma-kagawa ng kamangha-manghang mga bagay … Pero bakit po sa punso natin itinatayo ang ating mga tirahan? Hindi po ba pwedeng gawin ‘yun sa ilalim ng lupa ng kaharian nating mga duwende para ‘di tayo ma-gambala ng mga taong mortal?” mungkahi pa ni Kurikit kay Haring Habito.
“Sarado na ang inihain kong usapin… Sundin natin ang gusto nang nakararami,” anito bilang tuldok sa mga hirit ni Kurikit.
Tulad ng gobyerno ng tao sa pormang demokrasya, ang kahariang Hobitsky ay mayroong tatlong sangay rin: lehislatura na tagalikha ng batas; hudikatura na tagapag-hukom; at ehekutibo na nagpapasiya at nagpapatupad ng mga batas. Ga-yonman, sa mga sangay na nabanggit ay mga kapasiyahan din naman ni Haring Hobito ang nangingibabaw.
“Mula sa araw na ito, kamatayan ang magiging katumbas ng pananakit sa atin ng mga taong mortal!” anito sa pagtatatak ng selyo sa katitikan ng nabuong kapasiyahan.
Desmayadong umuwi si Kurikit sa kanilang tirahang punso. Agad namang napansin ng inang si Kookay ang kanyang pananamlay. At nang mag-usisa ay naikuwento niya ang dahilan niyon.
“Naku, anak, hindi ka sana sumakay sa kaek-ekan ni Haring Hobito… Pa-etching lang niya ‘yun para ipakitang umiiral sa kanyang kaharian ang demokratikong sentralismo,” ang nasabi ng kanyang ina.
“P-pero, tama naman po ang mga ipinunto ko kanina kay Ha-ring Hobito, ‘di ba?” katuwiran ng binatang duwende.
“Anak, ang tama o mali ay depende lagi sa pananaw at interes ng apektadong panig. Kapag pabor sa panig nito ang ano mang aksiyon o reaksiyon, ‘yun ang tama para rito. At mali naman ‘yun sa kabilang panig dahil ‘di ito ang pinapaboran,” paglilinaw kay Kurikit ng matalinong ina.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia