DISENTE lang ang administrasyong Aquino kaya hindi ibinubulalas sa publiko na walang kinalaman sa kanilang propesyon ang pagpaslang sa ilang mga mamamahayag.
Sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III kahapon sa panayam ng Bombo Radyo, ang hindi pagkibo ng mga awtoridad sa ilang kaso ng media killings ay hindi nangangahulugan na hindi ito iniimbestigahan, disente lang aniya ang kanyang administrasyon kaya ayaw lang nila na maisiwalat ang motibo sa krimen.
“Masasabi natin kasi napakaraming disente dito sa administrasyon natin,” aniya hinggil sa media killings sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“Pero marami rin ho dito na masasabi natin not in the pursuit of the profession e. Tapos bakit ko nabanggit ‘yung disente? May pamilya, nawalan sila ng miyembro. Sasabihin ba natin kung anong dahilan bakit nawala itong miyembro ng pamilya nila? At kung minsan ho e, di ba, halo-halo na hong dahilan. May love triangle, may extortion, may kung ano-ano ho e.Gusto pa ba nating ilabas ‘yung dahilan na ‘yon na may personal silang alitan na kaya ganito umabot?” sabi pa niya.
Ngunit hindi aniya kinukunsinti ng kanyang administrasyon ang paglaganap ng media killings at patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga salarin sa krimen.
“Pero ulitin ko: hindi natin tino-tolerate ‘yan at hinahabol nga natin lahat. Ayoko nang magsalita nang dagdag pa tungkol ‘dun sa… Pero masasabi natin naman siguro at sasang-ayon kayo maski anong samahan, merong maayos, meron hong hindi maayos. At ‘yung… Ulitin ko lang ho: obligasyon ng estado, ano man ang ginawa mong krimen kailangang pagbayaran mo,” paliwanag niya.
Nitong Martes ng madaling araw ay binaril malapit sa kanyang bahay si Orly Navarro, acting station manager ng DWIZ Dagupan.
Umaabot na sa mahigit 20 mamamahayag ang pinaslang mula nang maluklok sa Palasyo si Pangulong Aquino noong 2010.
(ROSE NOVENARIO)