”ALAM naman po ng lahat ng taga-Makati iyon. Si Senadora Nancy naman po talaga ang gumagawa noon … Noong araw nang hindi pa siya senador.”
Ito ang tahasang pahayag ng dating bise alkalde ng Makati City na si Ernesto Mercado patungkol sa supplier ng kontrobersyal na cake na ipinamimigay sa senior citizens ng lungsod tuwing kanilang kaarawan.
Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ukol sa maanomalyang pagpapatayo ng Makati carpark building , natalakay din ang anomalya sa mga ipinamimigay na cake.
Sinabi ni Mercado na nagnenegosyo ng cake si Nancy sa Makati sa panahon na si VP Binay ay alkade ng lungsod, na ipinagbabawal sa batas.
Aniya, “Basta ako ho, alam ko talaga negosyo niya iyon. Actually, kinu-question ko nga ho iyon. Dahil ang sabi ko, ‘pati ba naman iyang cake, ang liit na bagay niyan. Puwede namang magnegosyo ng iba. Siguro hilig lang po ni Senadora na mag-bake ng cake kaya talagang pinangatawanan na niya iyong paggawa ng cake na iyon at pagde-deliver.”
Bago ang hearing sa Senado, ilang beses nang itinanggi ng mga Binay ang kontrobersiyal na isyu ng cake para sa Makati senior citizens.
Dagdag pa ni Mercado, si Senador Nancy ang maaaring sumagot sa mga detalye kung ilang senior citizens ang pinapadalhan ng lungsod ng cake at kung magkano umaabot ito dahil ang budget para rito ay nagmumula mismo sa opisina ng alkalde kung saan siya ay dating technical assistant.
HATAW News Team