ILOILO CITY – Ipinaliwanag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung bakit hindi pa naipamamahagi ang mahigit 20 truck ng relief goods para sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Rehiyon 6.
Napag-alaman, ang nabanggit na relief goods ay nakaimbak lamang sa covered gym ng Iloilo Sports Complex.
Ayon kay Judy Tañate Barredo, public information officer ng DSWD Reg. 6, naantala ang paghatid ng relief goods dahil sa problema sa transportasyon at kakulangan ng tauhan na magre-repack.
Aniya, ito ay dumating noong Hunyo mula sa national office at ipamamahagi sa mahigit 515,000 pamilya sa Aklan at Negros Occidental na naapektuhan ng bagyo.
Natuklasan na ang noodles na kabilang sa ipamamahagi ay mag-e-expire na sa Oktubre.