DAGUPAN CITY – Arestado na ang suspek sa pagbaril sa DWIZ station manager na si Orlando “Orly” Navarro sa Lungsod ng Dagupan.
Ayon kay Dagupan City Chief of Police Supt. Christopher Abrahano, naaresto ang suspek na si Rolando Apelado Lim, Jr., 46, residente sa Brgy. Pantal sa lungsod.
Sinabi ni Abrahano, may hawak na silang malakas na ebidensiyang magpapatunay na si Lim ang nasa likod ng pagbaril kay Navarro.
Habang itinanggi ni Lim ang akusasyon laban sa kanya.
Wala aniya siyang alam kung bakit siya ang itinuturong bumaril kay Navarro, at nasa bahay siya nang mangyari ang insidente.
Nananatili pa sa ospital si Navarro bagama’t maayos na ang kanyang kalagayan.
Samantala, malaki ang pasasalamat ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa pabuyang inilaan ng pamunuan ng DWIZ bilang patong sa ulo ng suspek sa krimen.
Ayon kay ALAM national chairman Jerry Yap, malaking bagay para sa isang media man ang pagmalasakitan ng kanilang media outfit.
Inianunsyo ni Atty. Ferdie Topacio, legal counsel ni dating Ambassador to Laos Antonio Cabangon-Chua, chairman ng Cabangon Group of Companies na nagmamay-ari ng DWIZ, magbibigay sila ng P500,000 para sa ikadarakip ng bumaril kay Navarro.
Si Navarro ay tinamaan ng dalawang tama ng bala sa likod at balikat makaraan barilin nitong Martes ng madaling araw.
“Tututukan namin ang kaso ni Navarro, at nagpapasalamat kami kay Ambassador Cabangon Chua sa malasakit niya sa kanyang mga empleyado,” ani Yap.
“Bihira na ang ganyang boss. Sana, lahat ng media outfit ay ganyan,” diin ni Yap.