PINAMAMADALI ni senadora Grace Poe sa Philippine National Police (PNP) ang agarang pagtatayo ng hotline para sa maagap na pagbibigay ng proteksiyon sa mga miyembro ng media na nagbubunyag ng ano mang uri ng katiwalian o anomalya.
“Hindi na dapat tumagal pa ang pagkakaroon ng hotline tungo sa madaliang pagre-report ng mga mamamahayag ng mga panganib sa kanilang buhay kaugnay ng kanilang propesyon,” ani Poe.
Nilinaw ni Poe, chairman ng senate committee on public information and mass media, ito ang tamang panahon upang labanan ang talamak na media violence sa bansa.
“Isang mahalagang hakbang ang pagkakaroon ng media hotline upang mabigyang proteksiyon at kapanatagan ng loob ng mga mamamahayag na nagsisilbing tagapagbantay ng ating demokrasya,” ani Poe.
Tiniyak ng senadora, sa magaganap na deliberasyon para sa 2015 proposed budget ng PNP, susuportahan niya ang pagbibigay ng pondo para sa panukalang media hotline upang matiyak na maipatutupad nang maayos ang naturang programa.
Nauna rito, sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, tutugon sila sa panawagan ni Poe na magkaroon ng direct line ang mga propesyonal na mamamahayag sa pulisya. Ang hotline na ito ay iba pa sa kasalukuyang PNP hotline 09178475757.
(CYNTHIA MARTIN)