TINATAYANG P5 milyong halaga ng mga ari-arian ang natupok makaraan ang limang oras na sunog sa isang warehouse sa Quiapo, Manila kamakalawa ng gabi.
Aminado ang mga bombero na nahirapan silang apulain ang apoy sa Orozco Street.
Napag-alaman, nagsimula ang sunog dakong 7:35 p.m. at umabot sa ikalimang alarma. Nakontrol ang apoy at naapula dakong 11:39 p.m.
Ang nasabing bodega ay imbakan ng flammable plastic products, kitchenware at glassware.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng sanhi ng sunog.