INAMIN ng Palasyo na may basbas ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagsusulong ng Liberal Party na maipasa ang anti-political dynasty bill.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, narinig niya kay Interior Secretary Mar Roxas sa forum ng Koalisyon ng Mamamayan para sa Reporma (Kompre) noong Lunes, na kinonsulta niya si Pangulong Aquino nang magpasya ang LP na suportahan ang anti-political dynasty bill
Si Pangulong Aquino ang chairman ng Liberal Party, at si Roxas ang presidente ng partido.
Nakatakdang talakayin sa plenaryo ng Kongreso ang House Bill 3587, naglalayong ipagbawal ang pagkandidato ng isang politiko habang may isang miyembro ng kanyang pamilya ang nakaupo sa pwesto.
Nakasaad sa Section 26, Article 2 ng 1987 Constitution, bawal ang political dynasties sa bansa.
Kapag lumusot ang naturang batas, maraming politiko ang hindi makatatakbo sa 2016 elections , kasama na si Vice President Jejomar Binay na ang tatlong anak ay mga opisyal ng gobyerno.
(ROSE NOVENARIO)