ARESTADO ang walo katao sa pagsalakay ng pinagsanib na pwersa ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) at International Police (Interpol) sa organisadong crime networks na responsable sa ‘sextortion.’
Ayon sa ulat, limang menor de edad ang nasagip ng mga awtoridad sa magkasunod na pagsalakay sa mga bayan ng San Jose del Monte at Norzagaray sa lalawigan ng Bulacan.
Ang operasyon ay karugtong ng ‘Operation Strikeback’ na isinagawa noong Abril na nagresulta sa pagkaaresto ng 58 katao, iniuugnay sa grupo na nang-harass sa isang binatilyong Scottish na nagngangalang Daniel Perry, nagpakamatay makaraan mabiktima ng online blackmail.
Ayon sa Interpol, ang ‘sextortion’ ay isang uri ng sexual blackmail na ang mga impormasyong sekswal o larawan ay ginagamit upang mangikil ng sexual favors o pera mula sa biktima na ang halaga ay naglalaro sa US$500 (P22,000) hanggang US$15,000 (P66,000).
Sa pahayag ni Senior Insp. Jhoanna Gracia Fabro, hepe ng PNP Cyber Crime Section, ang pinagsanib na elemento ng ACG, Police Regional Office 3 (PRO3), Bulacan Police at Special Action Force (SF) na kumakatawan sa Interpol ay ipinadala sa San Jose Del Monte at Norzaragay, sa lalawigang nabanggit, makaraan makatanggap ng reklamo mula sa mga biktima ng ‘sextortion’ na nakabase sa Hong Kong.
Kinilala ni Fabro ang isa mga naaresto na si Ma. Cecilia Caparas-Regalachuela, tinaguriang sextortion queen, sinasabing lider ng sextortion ring sa San Jose Del Monte, Norzagaray at iba pang bayan sa Bulacan.
Ayon sa ulat, ang anak ni Regalachuela na si Marcel Jing, ay nagmamay-ari ng dalawang money remittance centers sa Bulacan na ginagamit nila sa illegal na aktibidad.
(MICKA BAUTISTA)