TULUYAN NA NGANG NAHALING KAY JIMMY JOHN SI YUMI
Unti-unti na nga kasing nahuhulog ang kalooban niya sa dayuhang singer/pianist. At tinilian niya ito sa tinutunghayang website. Nakisabay siya sa malalakas na tilian sa concert noon ng mga panatikong tagahanga ni Jimmy John.
Dinatnan siya ng kanyang Mommy Fatima sa gayong sitwasyon.
“Ano ka bang bata ka? Para kang ukang-ukang, a,” puna sa kanya ng ina.
“Panoorin mo siya, Mommy… Ang galing-galing niyang kumanta at mag-piano. At super pogi pa,” aniyang humila sa kamay ng ina.
Tinabihan siya sa upuan ni Mommy Fatima.
“Mabaho rin ang utot n’yan…” anitong nakamasid kay Jimmy John.
“In-love na yata akong talaga sa kanya, Mommy,” tila pangungumpisal niya sa ina.
“Paano mong masasabing in-love ka sa isang lalaking ‘di mo naman lubusang kilala ang buong pagkatao,” anitong nakatitig nang mata-sa-mata sa kanya.
“Mommy, naman… E, ano po ‘tong intense feelings na nadarama ko sa kanya? Platonic love?” aniya sa panunulis ng nguso.
Sabi ng kanyang Mommy Fatima nang ka-bigin siyang palapit sa balikat nito: “Plato-platonic love ka d’yan… Kahangalan ‘yan, anak … Gusto mong malaman kung bakit kahangalan, ha?”
Hindi siya nakaimik. Ang kanyang ina ang nagpatuloy sa pagda-dialogue.
“Ang Jimmy John na ‘yun, nakilala mo lang kamakailan sa pagre-reporter mo… Si Arman, sapol pa sa inyong kamusmusan ay kilalang-kilala mo na … Ang Jimmy John na ‘yun, pag-alis dito sa ating bansa ay iiwan ka na… kay Arman, sa kamatayan ka lang niya maiiwan o kapag nagunaw ang mundo. At sa lintek na Jimmy John na ‘yun, ang damdaming pag-ibig ay mala-imposibleng mamagitan sa inyong da-lawa. Bakit ‘kamo? Ikaw lang naman ang nahihibang sa kanya, e… Kay Arman, ang paki-kipagrelasyon mo sa kanya ay may patutunguhan… At mahal na mahal ka pa niya,” ang mahaba-haba nitong litanya.
Kung sabagay, kapag hinimay-himay at pinalalim ni Yumi ang pangaral ng kanyang ina ay lilitaw na pawang totoo ang inilahad na pag-hahambing kina Arman at Jimmy John.
Nabubulagan daw ang isang umiibig. Pero ang mas masaklap ay ang maituring na “ha-ngal” sa ngalan ng pag-ibig.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia