NANAWAGAN ang senior citizens advocate at dating Manila Congressman Benny M. Abante sa kanyang mga dating kasamahan sa dalawang kapulungan ng Kongreso na bigyang prayoridad ang mga panukalang batas na magbibigay ng libre at buong Philhealth coverage sa senior citizens habang iginiit na ang mga nabanggit na panukala ay maaaring isagawa kahit na nag-aalala ang mga opisyal ng Philhealth kung matutustusan ang nasabing hakbang.
Bilang pangunahing may-akda ng Republic Act (RA) 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 sa Kamara, sinabi ni Abante, Chairman ng Bayan Mamamayan Abante Movement, na “hindi dapat problemahin ng mga opisyal ng Philhealth ang pondo dahil patuloy na lumalago ang kontribusyon ng mga miyembro sa gitna ng paglobo din ng bilang ng mga obrero kasabay ng populasyon.”
Ayon sa mga pag-aaral, ang bilang ng senior citizens ay aabot sa 15 % ng populasyon ng bansa sa taon 2050 na aabot sa kabuuang bilang na 155 milyon katao.
“Sa pagpalo ng ekonomiya bilang ika-16 sa pinakamalaking ekonomiya sa mundo sa taon 2050, hindi na dapat ini-isip ng mga opisyal ng Philhealth kung mapopondohan pa nila ang lubos na coverage ng ating mga nakatatanda,” paliwanag ni Abante.
Nagpahayag kamakailan ang HSBC na magiging kalamangan para sa bansa ang paglaki ng populasyon kung mabibigyan ng sapat na edukasyon at kasanayan dahil sa potensyal na mapalago ang mas malaking kita sa loob ng mga susunod na dekada.
Sa kasalukuyan, tanging ang mga naghihikahos sa hanay ng mga senior citizens ang pinagkakalooban ng libreng Philhealth coverage. Ipinasa na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 4593 na magbibigay ng nasabing benepisyo sa lahat ng senior citizens. Ito ay aamyenda sa Republic Act 7432 as amended by RA 9994.
Sinabi rin ni Abante na lalo pang mapapabuti ng amyendang ito ang umiiral na batas na itinulak ng mambabatas noong siya ay bahagi pa ng Kongreso – na nagbibigay sa kasalukuyan ng PhilHealth coverage sa mga naghihikahos na miyembro ng senior citizens.
“Sa pagdoble ng Philhealth contributions sa halagang P177 bilyon na nasa reserves ng nasabing ahensya, kayang-kaya na ng Philhealth na igawad ang benepisyo sa lahat ng senior citizens sa bansa.”
Nananawagan din si Vice President Jejomar Binay sa publiko na suportahan ang mga inisyatibong magbibigay ng dagdag pang benepisyo sa mga nasa “dapit-hapon ng buhay” – ang mga senior citizens.
“Dapat ibinibigay natin sa senior citizens ang lahat ng benepisyong kayang maigawad sa kanila, hindi lamang dahil tatanda rin tayo, kundi dahil kailangan nating mapagaan ang kanilang buhay,” ayon kay Binay.
May katulad din panukalang batas na isinumite si Sen. Ralph Recto sa Senado na nagbibigay ng Philhealth coverage sa lahat ng senior citizens. Ayon sa mambabatas, ang kanyang panukala ay mangangailangan ng P14.56 bilyon at ito ay matutustusan ng National Health Insurance Fund ng Philhealth.
(HNT)