KAHIT inintriga ang The Voice Kids winner na si Lyca Gairanod, unti-unti niyang ipinakikita na karapat-dapat siya sa naturang ti-tulo. Nang manalo kasi ang nine year old na dating namumulot ng basura, may mga nagsasabi na dahil sa awa lang daw kaya siya nanalo sa naturang reality show ng ABS CBN.
Pero mula nang lumabas si Lyca Maalaala Mo Kaya para gampanan ang sariling life story, mas lalong napapalapit sa masa ang bulilit na hanep ang galing pagdating sa kantahan. Gumawa rin kasi ng ingay ang kanyang unang pagsabak sa acting. Inabangan at tinutukan kasi ng madla ang pagsasadula ng kanyang buhay.
Base sa datos ng Kantar Media, ang MMK episode noong August 16 na nagtampok sa life story ni Lyca ang pinakapinanood na programa sa bansa noong weekend. Pumalo ito sa national TV rating na 38.4%, o triple ng nakuhang 12.8% ng katapat nitong programa sa GMA-7 na Magpakailanman.
Ngayon ay patuloy ang pagdating ng magandang kapalaran kay Lyca na binansagan na rin bilang Little Superstar. Magiging bahagi na siya ng teleseryeng Hawak Kamay na pinagbibidahan ni Piolo Pascual, bilang guest.
Sumabak na sa taping dito si Lyca noong August 23 at bukod kay Piolo, makakasama niya rito ang mga top child stars ng bansa na sina Zaijian Jaranilla, Andrea Brillantes, Xyriel Manabat, Yesha Camile, at ang pinakabagong miyembro na si JK Labajo na naging bahagi rin sa The Voice Kids.
Dahil sa pag-arangkada ng career ni Lyca, maraming netizens ang ipinagkokompara sina Lyca at ang kasalukuyang child wonder ng showbizlandia na si Ryzza Mae Dizon. Iyong iba, sinasabing ipantatapat daw ng ABS CBN si Lyca kay Ryzza Mae.
Parehong nine years old ang dalawa at parehong talented, pero marami nang napatunayan si Ryzza Mae. Bukod sa pelikula at commercials, hindi biro ang magkaroon siya ng sariling daily show, na kaya talaga niyang dalhin.
Si Lyca naman, kahit bubot at newcomer pa lang, malaki ang potential ng bata sa showbiz.
Sa aking opinyon, mas mabuti kung kapwa gumanda ang career nina Aling Maliit at ng Little Superstar, para mas marami silang mapasayang Pinoy. Isa pa, ang mga tulad kasi ng dalawang bulilit ay malaking inspirasyon sa mga kababayan natin na nangangarap na balang araw ay makaahon din sa kahirapan ng buhay.