DAGUPAN CITY – Nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang station manager at komentarista ng DWIZ na si Orlando “Orly” Navarro makaraan barilin ng hindi nakilalang suspek kahapon ng madaling-araw sa lungsod na ito.
Napag-alaman, pauwi na sa kanyang bahay si Navarro kahapon ng madaling-araw nang barilin ng suspek sa Brgy. Pantal sa lungsod ng Dagupan.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa tangkang pagpatay sa biktima, na ayon sa inisyal na impormasyon ay posibleng may kinalaman sa kanyang trabaho.
Si Navarro ay komentarista at station manager ng DWIZ news radio, at dating presidente ng Pangasinan Press and Radio Club.
Samantala, nakikiisa ang media group Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa pagkondena sa pamamaril sa broadcast-journalist.
Ayon kay ALAM national chairman Jerry Yap, malamang na isa na naman itong kaso ng tangkang pagpaslang sa isang mamamahayag na mababalewala.
Hindi pa malaman kung ano ang motibo sa pamamaril, ngunit hinala ni Navarro may kinalaman ito sa kanyang trabaho bilang mamamahayag.
“Patindi nang patindi ang mga kaso ng pagpatay sa media men sa Filipinas dahil walang nalulutas ni isa at walang nahuhuling mastermind,” ani Yap. “Mula nang maupo ang anak ng youngest correspondent na naipadala pa sa Vietnam, umabot na sa mahigit 20 ang napapatay na mamamahayag sa kanyang administrasyon. Hindi pa kasama ang mga nakalusot sa kamatayan tulad ni Navarro at Fernan Angeles. Para tayong mga manok na ginigilitan ng leeg dahil sa pagtupad sa ating tungkulin. Ilang journalist pa kaya ang mamamatay bago bumaba sa pwesto si Pres. Benigno Simeon Aquino III sa 2016?” (BETH JULIAN)