MULING ibinasura sa ikalawang pagkakataon ng Supreme Court ang kahilingan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na makakuha ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga mahistrado.
Ayon kay SC Spokesperson Atty. Theodore Te, ibinasura ng korte ang Motion for Reconsideration (MR) ni BIR Commissioner Kim Henares dahil sa kakulangan nang makatwirang basehan.
Maalala, unang humirit ng SALN ang BIR noong nakaraang taon habang dinidinig pa ang isyu sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na kinalaunan ay idineklarang unconstitutional.
Humirit ng ikalawang mosyon ang BIR noong Marso ngunit ibinasura itong muli.
Katwiran ni Henares, nais lamang nilang matiyak kung nagbabayad nang tamang buwis ang mga mahistrado at maiuugnay din ito sa alegasyon ng sinasabing case fixing, na nasusuhulan ang mga mahistrado.
Ngunit sinopla ito ng Kataas-taasang Hukuman sa pagsasabing hindi absolute ang kapangyarihan ni Henares pagdating sa ganitong usapin.