NAGING mainitan ang debate ng komite sa Kamara kaugnay sa inihaing tatlong impeachment complaints laban kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ilang mga congressman mula sa administration party coalition ang mahigpit na tumutol at tinangkang harangin ang complaint dahil marami anilang kakulangan sa porma.
Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, dapat maging estrikto ang komite sa pagtanggap ng impeachment complaint dahil baka maging ‘tatlong singko’ na lamang ang impeachment.
Ito ay sinusugan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at sinabing dapat ideklarang depektibo ang una at ikalawang reklamo.
Ngunit depensa ng isa sa complainant mula sa Makabayan block tulad ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, sinunod aniya ang proseso ng tatlong complaint.
Sa huli, sa resulta ng botohan ng mga miyembro ng House committee on justice sa pamumuno ni Iloilo Rep. Niel Tupas, nanalo ang boto na may sapat na porma ang impeachment complaint.
Makaraan ang nasabing pagdinig, pinagtibay ng mga miyembro na ang complaint ay may kaukulang beripikasyon mula sa mga nag-endosong mambabatas.