MARAMING KASAMA SA TRABAHO ANG NAGHIHINTAY SA KWENTO NI YUMI
Dakong hapon, matapos makapag-report ni Yumi sa kanilang opisina ay nayakag siyang magkape ng mga kasamahan sa trabaho. Nagpaunlak naman siya. Doon sila nagkape sa isang coffee shop na malapit sa kanilang TV station dahil pwedeng magyosi roon.
“Magkwento ka naman tungkol kay Jimmy John…” pangangalabit kay Yumi ng kasamang bading na PA ng kanilang programang pangtelebisyon.
“Mas pogi ba si Jimmy John sa personal?” tanong ng isa pang katrabaho, ang matabang old maid sa kanilang grupo na libangan ang kumain nang kumain.
“Ano siya sa tingin mo… Mabait ba? Hindi ba suplado? Very accommodating ba si Jimmy John nang interbyuhin mo? “ singit ng kanilang lesbianang web master.
“Mahina ang kalaban… isa-isa lang…” tawa niya.
Idinetalye ni Yumi sa tatlong kaopisina ang mga pangyayari noong kapanayamin niya ang American singer/pianist sa pool side ng hotel. Ikinuwento rin niya ang tungkol sa mga security personnel nito na ala-James Bond ang dating sa kanya, lalo na ang naging partisipasyon doon ni Miss Ellaine. At siyempre’y pati na ang naging pagkilatis niya sa pagkatao ng mala-barakong sekretarya.
“Malaking lalaki siya…Machong-macho… Maputi at makinis ang kutis. At kissable ang mamula-mulang mga lips,” bigay-todong deskripsiyon niya sa personalidad ni Jimmy John.
“Blue eyes ba?” usisa sa kanya ng baklitang PA.
“Ewan ko…” iling niya. “Naka-dark sun glasses siya, e…” sagot niya.
“Baka isa pala siyang aydol…” sabi sa pag-irap ng matandang dalagang tabachingching.
“A-aydol?” tanong niya sa pagkamaang.
“Aydol… Ay duling!” tawa ni Miss Taba-chingching.
“Ngeee!” pandidila niya sa kausap.
Pinanood ni Yumi kinagabihan sa Youtube sa kanilang bahay sa Kyusi ang concert ni Jimmy John na ginanap noon sa coliseum. Sa pagkaka-taong iyon ay hindi siya isang media practitioner, at hindi rin basta isang masugid na tagaha-nga lamang dahil may nadarama siyang kakaibang pintig sa dibdib.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia