ni Ed de Leon
BAGO tayo maligaw sa tamang doktrina, ang binyag ay isa at minsan lamang ginagawa ng simbahang Katoliko. Parang mali yata iyong sinasabi ni Marian Rivera na magpapabinyag siyang muli dahil ayaw kilalanin ng simbahang Katoliko rito sa atin ang kanyang binyag sa Espanya kung saan siya ipinanganak. Maling doktrina iyon dahil itinuturo ng simbahan na isa lang ang binyag.
Kaya siya bibinyagang muli ay una, wala siyang maipakitang baptismal certificate. Ikalawa, hindi siguro niya alam kung saang simbahan siya bininyagan at kung kailan iyon. Dahil kung alam niya iyon, mahahanap iyon doon mismo sa simbahan kung saan siya bininyagan kahit na saan pa iyon. Ang lahat ng simbahang Katoliko ay mayroong Liber Bautismorum, o libro na record ng lahat ng nabinyagan sa kanilang simbahan simula ng itatag iyon.
Sinasabi lang namin ito para huwag maligaw ang paniniwala ng mga tao tungkol sa sakramento ng binyag. Ang isa pang posibilidad, baka hindi siya nabinyagan sa isang simbahang Katoliko, dahil marami rin namang ibang iglesia sa Espanya.