Saturday , November 2 2024

CoA special report madaliin (Sa tongpats sa Makati Bldg.)

082614_FRONT
HINIKAYAT kahapon ng United Makati Against Corruption (UMAC) ng Commission on Audit (COA) na madaliin ang special audit report na kanilang gagawin sa sinabing overpriced parking building sa Makati na nagkakahalaga ng halos P2 bilyon.

Ayon sa UMAC  members, sa pangunguna ni lead convenor Atty. Renato Bondal, dapat isama ng COA ang iba pang bulding projects ng Makati kasama na ang ibang maanomalyang transaksyon.

“Nananawagan ang mga mamamayan ng Makati na pabilisin ng COA ang Special Audit para agad maiklaro ang lawak ng katiwalian sa Makati Parking Building,” saad ni Jasper Cuayzon ng UMAC-Youth.

“Hiling din namin sa COA na isama sa Special Audit ang iba pang overpriced na buildings na ipinagawa sa Makati at iba pang maanomalyang kontrata mula noong Mayor pa si VP Binay,” dagdag ni Cuayzon.

Si Cuayson at iba pang miyembro ng UMAC ay sumama kahapon sa second anniversary ng “Million March” sa Luneta upang maging daan sa pagbubunyag  ng mga maanomalyang transaksyon na pinasok ng pamahalaang lokal ng Makati sa ilalim ng administrasyon ng ngayon ay bise presidente Jejomar Binay at ang anak niyang mayor na si Junjun.

“Pabor kami sa desisyon ng COA na magsagawa ng Special Audit sa Makati Parking Building. Tiwala kami na mapapatunayan sa COA Special Audit ang aming akusasyon na halos P2-bilyon ang tongpats sa proyektong ito,” dagdag niya.

“Mismong si COA Chairman Grace Pulido – Tan ang nagsabi na may “red flags” o palatandaan ng anomalya sa pagpapatayo ng Makati Parking Building,” aniya.

“Halos dalawang buwan lamang ang ginugol sa proseso, mula sa pagpasa ng ordinansa para sa pondo, bidding ng proyekto at pag-award ng kontrata sa winning bidder. Ayon sa COA Chairman, kaduda-duda ito para sa isang komplikadong proyekto na may bilyong pondo,” diin ni Cuayzon.

“Malinaw na na-chop-chop ang proyekto. Imbes i-bid ang proyekto sa halagang P2.7-bilyon, hinati-hati ito sa limang bahagi at pinondohan ng iba’t ibang ordinansa,” aniya.

“Kahit na nahati ang proyekto sa lima, iisa lamang ang kontraktor na nabigyan ng kontrata—ang Hilmarc’s Construction Corp. Ito ang paboritong kontraktor na nakakuha rin ng kontrata para sa iba pang big-ticket at billion-peso projects sa Makati,” dagdag na paliwanag ni Cuayzon.

Sa nakaraang Senate hearing, inihayag ni Bondal na si VP Binay at ang iba pang inasunto ng plunder ay kumita ng hindi bababa sa P1.9-bilyon mula sa P2.711-bilyon 11-storey Makati parking building.

Ibinatay ito ni Bondal sa Bondal sa pinakahuling appraisal survey ng mga gusali sa Makati na isinagawa ng Cuervo & Associates.

Ani Bondal, napakalaki ng ginastos sa konstruksiyon ng 11-storey structure na ikinagimbal ng construction industry nang nabatid na umabot sa P75,000 per square meter, mataas ng 300 porsiyento sa umiiral na katamtamang halaga.

“The estimated fair cost of the parking building should only be P23,000 per square meter but this ballooned to P75,000 per square meter since Binay’s greed cannot be moderated,” dagda ni Bondal.

Idiniin ng abogadongnagreklamo na ang P23,000 per square meter development cost ay batay sa appraisal survey.

Ang nasabing survey ay tuluyang dumurog umano sa depensa ng mga Binay na ang mataas ang ginastos sa konstruksiyon dahil sa estriktong pamantayan na ipinatutupad ng city government sa contractor na Hilmarc’s Construction na pag-aari ni Engr. Efren Canlas.

Ang nasabing kom-panya umano ang nakakopo sa lahat ng construction projects sa Makati at nagtayo ng mga bahay at farm facilities sa mga lupaing pag-aari ng mga Binay sa Batangas City, pahayag nina Bondal at Enciso.

Gumastos umano ang lungsod ng P900 milyon para lamang sa pundas-yon ng parking building dahil malambot ang lupa at nangangailangan na patatagin hanggang 15 metro pailalim.

“Kitang-kita po kung ikokompara natin sa estimated cost no’ng building na mahigit triple ang ipinatong ng mga Binay,” Ani Bondal sa kanyang presentasyon.

Sinabi rin niya sa Senate panel na ang Makati parking building, na limang palapag para sa parking at anim para sa office spaces, ay mas magastos sa 46-floor Makati Grand Shang Tower at sa 57-floor Greenbelt Residences.

“Ito pong dalawang luxury condominiums na totoong de kalidad ay mas mura pa sa 11-floor parking building. Kahit na sino pong tao ay makikita ang garapal na pagpatong na ginawa ng mga Binay dito. Paano naman magiging mas mura ang 46-floor luxury condominium sa isang 11-floor parking building?” ani Bondal.

Patuloy umanong nangangalap ng dokumento ang kanilang grupo sa iba pang construction projects nina Vice President Jejomar C. Binay, ng kanyang asawa at dating alkalde Dr. Elenita S. Binay at kasaluku-yang Mayor JunJun Binay.

Erice kay VP Binay:
HUMARAP KA SA SENADO

HINAMON ni Caloocan Rep. Edgar Erice si Vice President Jejomar Binay na harapin sa Senado ang alegasyong overpriced ang P2.7-B na ipinagawang gusali sa Makati City.

Ayon kay Erice, dapat sagutin ni VP Binay ang alegasyon ng talamak na katiwalian imbes gamitin ang kanyang mga anak at mga kaalyado sa pagdepensa sa isyu.                         Binigyang-diin ng kinatawan ng Caloocan, walang sinumang government administrator o private sector executive ang gagastos ng P2.7 bilyon para sa 11 palapag na parking at office building maliban na lang kung sira ang ulo o sobra ang pagka-corrupt.

Ito umano ang dahilan kaya nagtatago si VP Binay sa kanyang mga anak at takot harapin ang  Senate Blue Ribbon Sub-Committee dahil litaw na litaw ang corruption at mahirap itong ipaliwanag.

Sinabi rin ni Erice, binigyan nina Senators Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes si VP Binay ng venue para sagutin ang alegasyon ng katiwalian.       Aniya, kung sino ang may gustong tumakbong presidente sa 2016, dapat pumasa muna sa integrity at honesty test.

Responsibilidad ito sa sambayanang Filipino ng sinomang susunod na pangulo, dagdag ni Erice.

Hindi umano mawawala ang alegasyon ng corruption laban kay VP Binay kung hindi niya direktang sasagutin imbes sabihin na produkto ng pamomolitika.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

PAGASA Bagyo Leon

Signal No. 5 itinaas sa Batanes daluyong pinangangambahan

ITINAAS ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 sa hilaga at silangang bahagi ng lalawigan …

arrest, posas, fingerprints

Pumugot sa sekyu sa QC timbog

NADAKIP ng Quezon City Police District (QCPD) ang driver na pumugot sa security guard ng …

Arrest Posas Handcuff

DILG’s most wanted na pumatay sa Konsehal, naaresto ng QCPD

NAARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District – District Intelligence Division (QCPD-DID) ang …

Rolando Valeriano Rodrigo Duterte

Hindi bayani o diyos  
DUTERTE SALOT — SOLON

ni Gerry Baldo TAHASANG sinabi ng isang kongresista mula Maynila na hindi isang bayani o …

Bulacan Police PNP

Sa crackdown vs ilegal na droga  
21 TULAK TIKLO SA BULACAN

ARESTADO ang 21 pinaghihinalaang mga tulak ng ilegal na droga sa pinaigting na operasyon ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *