ANTI-PORK, ANTI-CHACHA RALLY. Libo-libong raliyista ang nagtungo sa Luneta upang lumahok sa anti-pork at anti-Chacha protest kahapon. (BONG SON)
TINATAYANG umabot sa 20,000 katao ang nakilahok sa isinagawang anti-pork rally sa Luneta, Manila kahapon umaga. Ito ang inihayag ni Bagong Alyansang Makabayan secretay general Renato Reyes Jr.
Sinabi ni Reyes, umabot sa 20,000 katao ang nagtungo sa Luneta para makiisa sa kilos protesta laban sa pork barrel fund scam, corruption at para suportahan ang peoples initiative na naglalayong buwagin ang presidential at congressional pork barrel system.
Sa ilalim ng Republic Act 6735, o ang People’s Initiative Law, 10 percent sa total number ng registered voters at three percent sa bawat legislative district lamang ang kinakailangan.
Sa kabilang dako, ayon sa Manila Police District (MPD), batay sa kanilang pagtaya, umabot lamang sa 5,000 katao ang dumalo sa nasabing kilos protesta.
Sinabi ni Manila Police District spokesperson Chief Inspector Erwin Margarejo, ang nasabing pagtaya ay batay sa kanilang monitoring kahapon ng tanghali.
Sinabi ni Margarejo, sa kabuuan ay naging mapayapa ang isinagawang kilos-protesta.
HAMON KONTRA PORK-BARREL DINEDMA NI PNOY
WALANG plano si Pangulong Benigno Aquino III na patulan ang hamon ng mga progresibong mambabatas na lumagda sa people’s initive kontra pork barrel system para patunayan na tutol din siya sa pork barrel.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, iba ang interpretasyon nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Zarate sa pork barrel kompara sa idineklara ng Korte Suprema na kahulugan nito.
Noong Nobyembre 2013 ay idineklarang unconstitutional ng Supreme Court ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng mga mambabatas kasunod nang pagkakabulgar sa P10-b pork barrel scam.
Sabi ni Lacierda, nagkaroon ng tsansa si Colmenares na busisiin ang panukalang 2015 budget at sinagot lahat ni Budget Secretary ang mga katanungan kaugnay nito sa mga pagdinig sa Kongreso, malinaw na taliwas sa agenda ng progresibong mambabatas.
(ROSE NOVENARIO)
LUMAGDA SA ANTI-PORK ‘DI NAMIN ‘BOSS’ — PALASYO
HINDI itinuturing ng Palasyo na bahagi ng tinig ng kanilang mga ‘boss’ ang libo-libong lumagda sa people’s initiative kontra pork barrel system, Charter change (Cha-cha) at term extension, na lumahok sa pangalawang pinakamalaking anti-pork rally sa Luneta kahapon.
“Let’s wait for the process to take its course,” tugon ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda nang tanungin ng media kung ikinokonsidera ba ng Malacanang na boses ng kanilang mga ‘boss’ ang people’s initiative kontra-pork barrel.
Kamakalawa ay tumangging magbigay ng pahayag si Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa inilalargang people’s initiative laban sa pork barrel system hangga’t wala pang resulta kung makapapangalap ng kinakailangang anim na milyong lagda.
Mahaba pa aniya ang daraanang proseso ng people’s initiative dahil kailangan pang iberipika ng Commission on Elections (Comelec) ang anim na milyong pirma .
Ilang beses nang inihayag ni Pangulong Aquino na ang tinig ng kanyang mga ‘boss’ ang angkla ng ‘tuwid na daan’ na tinatahak ng kanyang administrasyon.
(ROSE NOVENARIO)