HUMILING ng 15 days extension ang direktor ng Philippine General Hospital (PGH) kaya sa Setyembre 10 pa nakatakdang isumite ang medical assessment para kay Senador Juan Ponce Enrile.
Ito’y kaugnay sa hirit na hospital arrest ng kampo ng senador dahil sa maselang kondisyong pagkalusugan ni Enrile.
Napag-alaman, humingi ng 15 araw extension ang director ng Philippine General Hospital (PGH) sa Sandiganbayan para makompleto nila ang kanilang report hinggil sa isinagawang medical test kay Enrile, kasalukuyang nakakulong sa PNP General Hospital sa kampo Crame.
Sa isinumiteng manifestation ni Dr. Jose Gonzales sa antigraft court, sinabi niyang na-diagnosed ng bronchial asthma at kailangan matingnan ng isang pulmonologist para masuri ang kondisyon ng senador.
Si Enrile ay nahaharap sa kasong plunder at graft charges dahil sa pagkakasangkot sa P10-billion pork barrel scam.
Ang kapwa akusado ng senador na sina Jinggoy Estrada at Bong Revilla ay kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame. (HNT)