GULAT at napangiti lang si Kristoffer Martin nang sabihin naming natsitsismis siyang babalik saABS-CBN 2 nang dumalo siya sa aming birthday party noong Sunday sa R Bistro, Timog.
Sey naman ng kanyang manager na si John Fontanilla, mag-aaral daw si Kristoffer.
How true na sumama ang loob ni Kristoffer nang sabihan siya na hindi siya nagwo-workshop kaya walang naka-line up na serye para sa kanya? Ang priority umano na bigyan ng project ay ang mga nagwo-workshop?
Teka naman, isa nga lang si Kristoffer sa mga Kapuso young actor na marunong umarte. Napanood nga namin at nasubaybayan ang serye niyang Kahit Nasaan Ka Man at humihingi ng nominasyon ang performance niya roon sa husay niyang umarte.
Anyway, dala-dala ang kanyang angking talino at natural charm bilang isang successful teen actor, magiliw na ginugol ng GMA Artist Center talent na si Kristoffer ang kanyang oras para sa kanyang first inspirational talk para sa mga youth leader ng probinsiya ng Cavite.
Sa temang Organizing New Young Leaders of Tomorrow, maligayang nakilahok si Kristoffer sa 3rd General Trias Youth Leaders Summit na ginanap sa auditorium ng Lyceum of the Philippines sa General Trias sa Cavite noong Agosto 16.
At dahil first time ngang maka-attend ni Kristoffer sa isang leadership seminar, ibinahagi niya sa kanyang Instagram account kung gaano siya kasaya sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga youth leader sa nasabing event.
“Done with the seminar! Sobrang saya! Almost 700 students attended the seminar. Sobrang appreciative niyong lahat. Sobrang ramdam ko na nakikinig kayo sa akin at ang sarap niyo kausap. Attentive at game lahat. First time to talk in public about a matter that really matters. Ang saya!! Thank you guys! Hope you learned a lot from me.”
Ang General Trias Youth Leaders Summit ay naglalayon na maipakita sa mga kabataan ngayon na may kakayahan sila upang makilahok sa pagbabago. Ginagawa ito sa pamamagitan ng leadership seminars at fellowship para sa mga kabataan ng munisipalidad ng Amadeo, General Trias, Tanza at sa lungsod ng Trece Martires sa Cavite.