Nananawagan ang mga residente ng Antipolo City kay Department of Interior & Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na pakilusin ang pulisya sa lungsod upang madakip ang hired killers na hinihinalang pinamumunuan ng isang dating police major.
Ayon kay Rodolfo Salas, pinsan at kapangalan ng dating pinuno ng New People’s Army (NPA) na kilala sa alyas na Kumander Bilog, tulad ni ex-Army major general Jovito Palparan na tinaguriang “The Butcher” ng mga hinihinalang rebeldeng komunista ay binansagan nilang “Berdugo ng Urban Poor Leaders” ang isang alyas Major Apol na may mga tauhang hired killers na matagal nang naglilikida sa mga lider ng iba’t ibang homeowners assosciation (HOA) sa Antipolo.
Base sa rekord ng pulisya, nagsimula ang krimen laban sa urban poor leaders noong 2006 nang paslangin ng riding-in-tandems sina Maharlika HOAI president Allan Albor at Pagrai HOA leader Marica Mondejar. Noong 2013, magkasunod na pinatay sina Cuencoville HOA officials Jojo Bacurro at Remy Sucaldito. Nitong Marso 24, pinaslang si Dionisio “Ka Nonong” Asencio na pangulo ng Cuencoville HOAI.
Nitong Hunyo 4, pinaslang ng hired killers si Pagrai HOA organizer Francisco Abad, alyas “Ka Muchoy” at nitong Agosto 12, napatay rin ng riding-in-tandem ang founding chairman ng Agrarian Reform Benificiary Association (ARBA) na si Isaias Nicolas, alyas “Ka Ace.”
Sinabi ni Salas, lider din ng isang grupo ng mga residente sa Pagrai Hills, sa dami ng urban poor leaders na napatay sa Antipolo ay walang nadakip kahit isang suspek ang pulisya lalo sa panunungkulan ni Antipolo Police chief Supt. Arthur Masungsong kaya nananawagan sila kay Roxas na tulungan silang malutas ang serye ng pagpatay sa urban poor leaders.
“Naniniwala kami na tanging si Sec. Roxas ang makatutulong sa amin na malutas ang mga pagpatay sa Antipolo dahil nagbubulag-bulagan ang mga pulis sa aming lungsod,” diin ni Salas. “Kilala nila si Major Apol na utak ng land grabbing syndicate rito pero bakit untouchable pati ang kanyang pagbebenta ng ilegal na droga?”
Naniniwala ang mga residente ng Pagrai Hills at Cogeo na may proteksiyon ng mga politiko at opisyal ng pulisya ang aktibidades ni Major Apol kaya namamayagpag ang sindikatong kriminal sa Antipolo.