NAGKAMAL ng P1.9 bilyon si Vice President Jejomar Binay sa konstruksyon ng Makati Parking Building ayon kina Atty. Renato Bondal at Nicolas Enciso, kapwa opisyal ng United Makati Against Corruption o UMAC.
Inihayag ito nina Bondal at Enciso sa pagdinig na ginawa kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee dala ang kanilang ebidensya para patunayang pinarami ng tatlong beses ang halaga ng Makati City Parking Building kaysa dapat maging presyo nito.
Nagsumite sina Bondal at Enciso ng appraisal survey na isinagawa ng Cuervo & Associates, isang kilalang building appraiser na nagsasabing dapat ay P23,000 kada metro kuadrado lamang ang gastos sa gusali imbes P75,000 kada metro kuadrado na ginugol sa ilalim ng pamamahala ni Binay at ng anak niya na si Mayor Erwin “Junjun” Binay.
Inihambing din ni Bondal ang 11 palapag na Parking Building sa dalawang luxury condominium sa Makati, ang 46-palapag Makati Shang Grand Tower at ang 57-palapag Greenbelt Residences.
Ibinunyag ni Bondal na ang dalawang gusali, sa kabila ng pagiging apat o limang beses pang mas mataas kaysa Makati Parking Building, ay natapos at ginastusan sa mas mababa pang halaga.
“Ito pong dalawang luxury condominium building na totoong de kalidad ay mas mura pa ang pagkakapagpatayo kaysa Makati City Parking Building na 11 palapag lamang. Kahit na sino po ay makikita ang garapal na pagpapatong ng halaga ng mag-amang Binay sa proyektong ito” ani Bondal.
Kanyang idinagdag na maghahain ng ibang kaso ng plunder ang UMAC laban sa Bise Presidente dahil sa maraming iba pang gusali na ipinatayo ng pamahalaang siyudad ang overpriced din umano.
Sa bahagi ni Enciso, sinabi niya na ang tanging hangad niya ay mag-kamit ng katarungan ang kanyang sarili at mga mamamayan ng Makati sa pandarambong na ginagawa ng mag-amang Binay sa lungsod.
Si Enciso ay humarap sa hearing sa kabila ng pagkakaroon ng stage 4 cancer.
Aniya, “matagal na akong nakikipaglaban sa stage 4 lung cancer at ayon sa mga doktor ay himala na lamang kung abutin pa ako ng bagong taon.”
Ito ang dahilan aniya kung bakit naglakas-loob siyang sumama kay Bondal upang “dumulog sa kagalang-galang na mga miyembro ng Komite na madaliin ang imbestigasyon upang ‘di na maulit ang likong gawain ng mga Binay.”
Ayon kay Bondal, ina-min ni COA resident auditor Cecilia Caga-anan sa kanyang report kay Director Carmelita O. Antasuda ng COA Local Government Sector (National Capital Region) na umabot sa P2,711,566,502.50 ang kabuuang budget para sa pagpapatayo ng kontro-bersyal na parking building.
Nailaan ang nasabing budget sa walong ordi-nansa na inaprubahan ng Makati City Council mula 2007 hanggang 2013 sa pamumuno ni VP Binay at Mayor Junjun Binay.
Lumutang lamang ang nasabing report ni Caga-anan kay Director Antasuda matapos maihain nina Bondal at Enciso ang reklamong plunder laban kay VP Binay at iba pang opisyales ng Makati.
”Unti-unti nang naglalabasan ang mga dokumentong magdidiin kay VP Binay at iba pang akusado. Umaasa kami na may whistleblowers pang lalabas para magbigay ng dagdag na ebidensya kaugnay ng nasabing kaso,” ani Bondal.
Nagtataka sina Bondal kung bakit nakapasa ang nasabing kontrata kay Caga-anan, ang COA Auditor ng Makati nang panahon na iyon, gayong nilabag nito ang napakaraming batas sa pagpapagawa ng pampublikong impraestruktura.
Iginiit ni Bondal na mismong ang National Statistics Office ang nagsabi na ang presyo lamang ng pagpapagawa ng gusali noong 2007 ay P8,013 bawat metro kuwadrado.
“Sa ganitong komputasyon ng NSO, luma-labas na P255,839,064 lamang ang dapat na pondong nagamit para ipa-tayo ang Makati City Hall Parking Hall kung tinapos ito noong 2007,” dagdag niya.
Dahil sa anomalya sa pagpapalusot sa proyekto, idinagdag nina Bondal at Enciso sa listahan ng mga akusado ang mga miyembro ng Makati City Audit Groups at COA-Technical Audit Specialist mula taon 2008 hanggang 2013.
HATAW News Team
COA HINDI NAG-ISYU NG SERTIPIKASYON SA MAKATI BLDG.
NILINAW ni Commission on Audit (CoA) chairperson Ma. Gracia Pulido-Tan, wala siyang inilabas na certification report na magpapatunay na walang anomalya sa kontrobersiyal na Makati City hall building II, sinasabing overpriced.
Ginawa ni Tan ang paglilinaw sa isinagawang imbestigasyon ng Senate blue ribbon sub-committee na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel.
Sa kabila ito ng report ni dating Makati CoA auditor Cecilia Caga-anan na alinsunod sa proseso ang pagpapatayo ng gusali.
Nabatid na iginiit ni Makati City Mayor Junjun Binay sa pagdinig na hindi overpricing ang naturang gusali alinsunod na rin sa CoA report.
Napamahal aniya ang gusali dahil nagkataon na itinayo ito sa malambot na bahagi ng lungsod kaya’t gumastos sila nang malaki sa pundasyon na umaabot ng P600 million.
Magugunitang sinabi ng complainant na si Atty. Renato Bondal, umaabot sa P2 billion ang overprice sa P2.7 billion na gusali at idiniing napunta ito sa mga Binay.
Ngunit ayon kay Binay, pamumulitika lamang ang lahat ng ito lalo’t mga katunggali sa politika ang naghain ng kaso sa Ombudsman. (CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)
PALASYO DUMISTANSIYA SA SENATE PROBE VS BINAY
DUMISTANSYA ang Palasyo sa pagsisiyasat ng Senado sa mga Binay kaugnay sa sinasabing overpriced Makati City parking building.
“Wala kaming kinalaman diyan. This is a Senate decision to investigate that but we have no hand on that,” ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Ipinauubaya na aniya ng Malacanang sa mag-amang Binay na sina Vice President Jejomar at Makati City Mayor Jun-jun Binay ang pagtalakay sa usapin sa pagharap nila sa Senate probe.
(ROSE NOVENARIO)