Isang boteng alak ang binili ni Dondon sa tindahan na nadaanan niya sa lugar na dati nilang inookupahan ni Popeye. Sinaid niya ang laman niyon sa ilang tunggaan lang. Tapos ay binirahan niya ng hilata sa mahabang upuang bakal ng waiting shed sa tabi ng daan. “Mahal kita, Ligaya… Mahal na mahal kita” ang tila-panaghoy na kanyang isinisigaw-sigaw. Nakatulog siya roon nang basambasa ang buong katawan at lahat ng mga kasuotan.
“Bossing, bangon…” ang sabi ng may-ari ng tinig na nag-angat sa kanyang ulo sa upuang bakal ng waiting shed.
Sa pagmumulat ni Dondon ng mga mata ay nasilaw siya sa papatindi nang sikat ng araw. Hindi niya agad namukhaan ang dati niyang runner-alalay.
“S-sino ka?”
“Ako si Popsie, Bossing.”
Kinusot-kusot niya ng kamay ang namimigat na mga mata. Si Popeye nga ang lalaking umalalay sa kanyang pagbangon. Maaliwalas ang mukha nito sa kabila nang pagiging humpak pa rin ng magkabilang pisngi. Nabibihisan nang maayos at malinis na pananamit. Hindi na masyadong pa-bulol-bulol magsalita kahit naroon pa rin ang paninigas ng dila.
“B-bakit ganyan ang itsura mo, Bossing?
“Gusto ko munang magkape, Popsie…”
Saglit na iniwan si Dondon ni Popsie. Natanaw niyang naghulog ng dalawang limang pisong coins sa vendo machine sa ‘di-kalayuang internet shop. Idinulot nito sa kanya ang umaasong kape na nakalagay sa styro-cup.
“Laya ka na pala…” aniya matapos makahigop ng mainit na kape.
“Mag-aapat na buwan pa lang, Bossing,” agap ni Popeye.
“Ako’y kahapon lang ng umaga,” banggit niya.
Iniwasan ni Dondon na buksan pa ang ginawang pagkakanulo sa kanya ni Popeye sa mga maykapangyarihan. Ayaw na ni-yang masaling ang sugat na nilikha niyon sa samahan nila ng kanyang dating runner-alalay. Napatawad na niya sa pagpapel ng isang hudas. Kauna-unawa naman kasi ang sitwasyon makaraang madakma ng ilang abusado sa hanay ng mga awtoridad.
“Nabalitaan ko sa club na may asawang Hapon na si ‘Gaya…” naisatinig niya kay Popeye.
“Kaya ka pala nagpakalasing nang todo-todo, Bossing…” anitong nasa tinig ang pakikisimpatiya sa tinamo niyang kabiguan sa pag-ibig.
Mariin siyang napakagat-labi. At minsan pang nabuhay sa gunita niya ang makarismang mukha ni Ligaya.
(Sundan)
ni Rey Atalia