NILINAW ni Commission on Audit (CoA) chairperson Ma. Gracia Pulido-Tan, wala siyang inilabas na certification report na magpapatunay na walang anomalya sa kontrobersiyal na Makati City hall building II, sinasabing overpriced.
Ginawa ni Tan ang paglilinaw sa isinagawang imbestigasyon ng Senate blue ribbon sub-committee na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel.
Sa kabila ito ng report ni dating Makati CoA auditor Cecilia Caga-anan na alinsunod sa proseso ang pagpapatayo ng gusali.
Nabatid na iginiit ni Makati City Mayor Junjun Binay sa pagdinig na hindi overpricing ang naturang gusali alinsunod na rin sa CoA report.
Napamahal aniya ang gusali dahil nagkataon na itinayo ito sa malambot na bahagi ng lungsod kaya’t gumastos sila nang malaki sa pundasyon na umaabot ng P600 million.
Magugunitang sinabi ng complainant na si Atty. Renato Bondal, umaabot sa P2 billion ang overprice sa P2.7 billion na gusali at idiniing napunta ito sa mga Binay.
Ngunit ayon kay Binay, pamumulitika lamang ang lahat ng ito lalo’t mga katunggali sa politika ang naghain ng kaso sa Ombudsman. (CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)