ISA na namang pambato ng Gilas Pilipinas ang napilay sa huling tune-up game nito kahapon.
Nadiskaril ang takong ni Jayson Castro sa 75-66 na pagkatalo ng Gilas kontra sa club team na Euskadi kahapon sa San Sebastian, Spain.
Sinabi ng team manager ng Gilas na si Aboy Castro na sasalang si Castro sa MRI (magnetic imaging resonance) upang malaman kung seryoso na nga ba ang pilay.
Naunang napilay sina Andray Blatche at Paul Lee kaya hindi sila naglaro sa 114-64 na pagkatalo ng Gilas kontra Ukraine sa pocket tournament kamakailan sa Antibes, France.
Nanguna si Blatche sa opensa ng Gilas kontra Euskadi sa kanyang 19 puntos at 10 rebounds samantalang nagdagdag si Marc Pingris ng sampung puntos at siyam na rebounds.
Bukas ay haharapin ng Gilas ang Angola sa San Sebastian bago sila tumulak patungong Seville para sa FIBA World Cup simula Agosto 30. (James Ty III)