ANIM na tourism student ng Bulacan State University ang nalunod habang isa pa ang nawawala makaraan tangayin nang malakas na agos ng tubig sa isang ilog sa bahagi ng Madlum Cave sa Brgy. Sibul, San Miguel, Bulacan kamakalawa ng hapon.
Makaraan ang insidente, agad natagpuan ang bangkay ng mga biktimang sina Mikhail Alcantara, Phil Rodney Alejo, Helena Marcelo at Michelle Ann Rose Bonzo.
Habang dakong 10 a.m. kahapon nang matagpuan ang bangkay ni Jeanette Rivera. Kasunod na natagpuan dakong 2 p.m. ang bangkay ni Madel Navarro.
Samantala, patuloy ang isinasagawang search and rescue operation sa lugar para sa isa pang nawawala na si Maiko Bartolome, pawang mga residente ng iba’t ibang lugar sa lalawigang ito.
Habang inoobserbahan sa pagamutan ang dalawang estudyanteng nakaligtas na sina Thea Hernandez at Daniel Cunanan.
Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, apat na tourist coaster ang nagpunta sa lugar lulan ang 200 estudyante bilang bahagi ng kanilang lakbay-aral curriculum activities.
Naglalakad ang mga biktima patungo sa kabilang pampang ng isang ilog na may isang talampakan ang taas ng tubig dakong 3 p.m. nang bigla na lamang tumaas ang antas ng tubig bunsod nang malakas na buhos ng ulan at sila ay tinangay.
Isinisi ng mga magulang ng mga biktima sa pamununan ng nasabing unibersidad ang naganap na sakuna, dahil sa kanilang pagkakaalam ay sa isang mall lamang sa Pampanga tutungo ang kanilang mga anak.
Plano nang naulilang mga magulang na sampahan ng kaso ang pamunuan ng unibersidad kabilang ang mga propesor upang mapanagot sa insidente.
(DAISY MEDINA / MICKA BAUTISTA)