ni Ed de Leon
DEPRESSION daw talaga ang dahilan kung bakit nagpakamatay ang actor na si Robin Williams. Nagbigti siya sa sarili niyang tahanan gamit ang isang sinturon. Matagal na raw nagkakaroon ng depression si Williams, pero ang matinding dumating sa kanya ay noong kanselahin ng CBS ang kanyang comedy show matapos lamang ang isang season dahil mababa ang ratings.
Sinasabi nila na simula noon, lalong naging depressed si Williams na siguro ay siya ngang naging mitsa ng kanyang pagpapakamatay.
Natakot tuloy kami, hindi ba sinasabing depressed na rin ang isang female stardahil sa mga flop niyang projects. Depressed din daw ang isang male star dahil aalisin na ang kanyang show nang hindi iyon magkaroon ng ratings at talunin pa ng serye ng isang baguhan. Huwag naman sana silang gumaya kay Williams kung sakali.
Talagang dumarating ang ganyang panahon sa isang artista. Kahit na sabihing dati ay sikat na sikat siya. Kahit na sabihing napakagaling niyang umarte. Pero darating ang araw na malalaos din siya at kung laos na siya, huwag naman sanang mag-suicide.