NANDITO na sa bansa ang inaasahang magiging top pick ng 2014 PBA Rookie Draft na si Stanley Pringle.
Noong Sabado ay nanood si Pringle ng NCAA All-Star Game sa The Arena sa San Juan kasama ang pinuno ng basketball operations ng Globalport na si Erick Arejola.
Dahil sa pangyayari ay halos selyado na ang pag-draft ng Batang Pier kay Pringle sa draft na gagawin sa Agosto 24 sa Robinson’s Place Manila.
Naunang napabalitang humingi raw ng sobrang mataas na suweldo si Pringle ngunit ito’y dinismis lang ni Arejola dahil sa hindi pagkakaunawaan niya sa ahente ni Pringle na hindi alam ang mga patakaran tungkol sa salary cap ng PBA.
“It’s an honor to be in the draft and I finally get to play in front of my Filipino relatives,” wika ni Pringle sa panayam ng Radyo Singko 92.3 News FM noong Linggo. “I’m taking things step-by-step here.”
Si Pringle ay 27 taong gulang kaya kahit hindi siya naglaro sa PBA D League ay pasok na siya sa PBA draft.
Dati siyang manlalaro ng Indonesia Warriors ng ASEAN Basketball League at ang kanyang ina ay taga-Cagayan Valley.
“Dior Lowhorn (dating Globalport import) was my teammate in Ukraine and he told me a lot of things about Globalport because he played for them last year,” ani Pringle.
Umaasa ang team owner ng Globalport na si Mikee Romero na makakatulong si Pringle upang maging kontender ang Batang Pier ngayong bagong PBA season.
Inaasahang magsasanib-puwersa si Pringle kina Alex Cabagnot at Terrence Romeo sa backcourt ni coach Pido Jarencio. (James Ty III)