BINUNO NI DONDON ANG ANIM NA TAON SA HOYO, SA KANYANG PAGLAYA SI ‘JOY’ ANG UNANG HINANAP
Nasabi ni Dondon sa sarili na wala na siyang mukhang maihaharap sa ka-live-in. Hindi niya magagawang ipagtapat ang totoo niyang ‘trabaho.’ Kaya nga hindi man lang niya tinangkang kontakin upang ipa-alam ang kanyang kalagayan.
Napatunayan ng korte na “guilty” si Dondon sa kasong ilegal na pag-iingat ng ipinagbabawal na gamot. Mahaba-habang taon ng pagkabilanggo ang ipinataw na parusa sa kanya. Pero nagmatigas siyang huwag nang gambalain si Ligaya.
Naging mababaw ang luha sa kanyang mga mata noong mga unang buwan niya sa bilangguan. Madalas niyang maalala si Ligaya. “Kumusta na kaya siya ngayon?’ ang parating nasa isipan niya. Naitatanong din niya sa sarili kung naiisip din siya nito. At kung mahal pa rin siya ng dating ka-live-in.
Sa katagalan ay nasanay na siyang mamuhay sa tarima ng mga kapwa bilanggo. Nagpakabait siya roon. Nagsikap umiwas sa mga awayan, kaguluhan at iba pang gawa na pwedeng maging sanhi ng lalo pang ipagtatagal niya sa likod ng mga rehas na bakal.
Mahigit sa anim na taon ang binuno ni Dondon sa loob ng piitan. At si Ligaya agad ang una niyang hinanap sa kanyang paglaya.
Pero wala na ang dati niyang kinakasama sa dating apartment na minsang naging pugad ng kanilang pagmamahalan. Kinagabihan ay pinuntahan niya ang bahay-aliwan na pinapasukan nito noon. Nagtanong-tanong siya sa mga tagaroong GRO. Kilala roon si Ligaya sa pangalang “Joy” pero ma-tagal na umanong ‘gumarahe’ ang hinahanap niya. At kung nasa 24-pataas ang edad nito ay pihong retirado na sa pages-sexy dancer dahil ‘madyonda at os-la’ na.
“Si Nikki.? Narito pa ba siya?” usisa ni Dondon sa GRO na nagtiyagang kumausap sa kanya kahit ‘di niya itineybol.
“Ah, si Madam Flor…” ang bansag kay Nikki na naging floor manager na pala ng club. “Hayun siya…”
Nagulat si Nikki nang lapitan niya sa counter. Nayakap siya tuwa ng kaibigan ni Ligaya.
“An’tagal mong nawala… Nag-abroad ka ba?” anitong pagkasigla-sigla.
Tumango siya.
“Naku, bakit mo naman iniwan si Joy nang walang paa-paalam?” ang sabi sa kanya ni Nikki na may bahid-paninisi.
“Biglaan kasi ang pag-alis ko…At tatlong tig-dalawang taong kontrata ang pi-nirmahan ko du’n sa abroad… “ pagsisinungaling niya. (Itutuloy)
ni Rey Atalia