SINIGURO ni Department of Transportation and Communication (DoTC) Secretary Joseph Emilio Abaya, ligtas pa rin sakyan ng publiko ang Metro Rail Transit (MRT).
Ito’y kasunod ng mga insidenteng pagkakadiskaril at pagtirik ng mga tren nitong nakalipas na mga linggo.
Ayon kay Abaya, bagama’t hindi siya rail expert, malinaw na nakasaad sa manual, hindi dapat patakbuhin ang mga tren kapag delikado ito.
Sinabi ng kalihim, nagpapatuloy ang konsultasyon sa tulong ni MRT officer-in-charge at LRTA Chief Honorito Chaneco, sa mga inhinyero at wala pang rekomendasyon na i-shutdown ang operasyon ng MRT.
Dagdag ni Abaya, tuloy ang pagpapabuti ng pamahalaan sa kondisyon ng MRT kabilang rito ang pagbili ng 48 bagong bagon na darating sa kalagitnaan ng 2015, at pagbili ng bagong signaling system at power supply.
Giit ni Abaya, rerebyuhin din nila ang kanilang standard operating procedures.
Nauna rito, inihayag ni Engineer Rene Santiago, dating director ng LRTA, at dating chairman ng MRT, hindi na ligtas sumakay sa mga tren.